Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang ibig sabihin ng Eid sa literal na kahulugan nito ay ang pagdiriwang. Ang Eid sa Islaam ay araw ng pagdiriwang dahil sa ganap na pagsasakatuparan ng gawaing pagsamba sa Allah (SWT), at ito ay bilang pasasalamat sa Allah (SWT) sa mga biyayang Kanyang ipinagkaloob. Ang mga Muslim ay mayroong dalawang Eid na kanilang idinaraos sa loob ng isang taon:
1. Ang Eidul Fitr: Dumarating ito sa unang araw ng buwan ng Shawwaal pagkatapos ng buwan ng Ramadaan. Ang Shawwaal ay ang ika-10 na buwan ng Hijri o Kalendaryong Islamiko. Ito ang buwan na kasunod sa buwan ng Ramadaan.
2. Ang Eidul Ad-haa: Dumarating ito sa ikasampung araw ng buwan ng Dhul Hijjah. Ang Dhul Hijjah ay ang ika-12 na buwan ng Hijri o Kalendaryong Islamiko. Ito ang buwan na kung saan ay isinasagawa ng mga Muslim ang Hajj.
Gayunman, ang Salaatul Eid (o pagdarasal ng eid) ay isang pagdarasal na kung saan ay hinihimok ang lahat ng mga Muslim na lumabas ng bahay upang isagawa pagdarasal na ito kasama ang kanilang mga pamilya, lalaki man o babae, matanda man o bata. Ito ay binubuo ng dalawang rak’ah, pitong takbeer sa unang rak’ah at limang takbeer naman sa ikalawang rak’ah. Ito ay walang adhan at iqaamah, gayon ding walang dasal na sunnah bago o matapos ang Salaatul Eid. At pagkatapos ng pagsasagawa ng Salaatul Eid ay mayroong dalawang tayo na khutbah (sermon) at mainam ang pakikinig ng khutbah. Ipinagbabawal na mag-ayuno sa araw ng Eid.