Bismillah, Alhamdulillah
Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Allah – Ang pansariling pangalan ng nag-iisang tunay na Diyos na lumikha ng sangkatauhan at sanlibutan.
Siya ang tunay at tanging Tagapaglikha. Siya ay hindi nagkaanak at hindi ipinanganak. Siya ay walang katulad. Siya ay hindi lamang Diyos ng mga Muslim o ng isang komunidada o pangkat ng tao bagkus Siya ang Diyos ng lahat ng mga nilalang at Siya lamang ang karapat-dapat na pag-ukulan ng pagsamba at wala ng iba. Sinabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
اللهُ لا إِلَهَ إِلا هُوَ الْحَيُّ الْقَيُّومُ لا تَأْخُذُهُ سِنَةٌ وَلا نَوْمٌ لَهُ مَا فِي السَّمَاوَاتِ وَمَا فِي الأَرْضِ مَنْ ذَا الَّذِي يَشْفَعُ عِنْدَهُ إِلا بِإِذْنِهِ يَعْلَمُ مَا بَيْنَ أَيْدِيهِمْ وَمَا خَلْفَهُمْ وَلا يُحِيطُونَ بِشَيْءٍ مِنْ عِلْمِهِ إِلا بِمَا شَاءَ وَسِعَ كُرْسِيُّهُ السَّمَاوَاتِ وَالأَرْضَ وَلا يَئُودُهُ حِفْظُهُمَا وَهُوَ الْعَلِيُّ الْعَظِيمُ. سورة البقرة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito sa wikang tagalog: “Allah, walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Kanya, ang may walang hanggang buhay, ang may walang hanggan kapangyarihan. Ang antok at pagkaidlip ay hindi maaaring makapanaig sa Kanya. Siya ang nag-aangkin ng lahat ng mga nasa kalangitan at kalupaan. Sino baga kaya ang nakakapamagitan sa Kanya malibang Kanyang pahintulutan? Alam Niya ang mga nangyayari sa Kanyang mga nilikha at ang mga nakaraan. At walang makakaabot ng anuman sa Kanyang kaalaman malibang Kanyang naisin. Ang Kanyang Kursi (Luklukan) ay sumasaklaw sa mga kalangitan at kalupaan, at Siya ay hindi nakadarama ng kapaguran sa pagpapanatili sa kanila, sapagkat Siya ang Kataas-taasan, ang Pinakadakila.” (2:255).
إِنَّنِي أَنَا الله لا إِلَهَ إِلا أَنَا فَاعْبُدْنِي وَأَقِمِ الصَّلاةَ لِذِكْرِي. سورة طه
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katotohanang Ako ang Allah, walang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Akin, kaya’t sambahin mo ako at iyong isagawa ang Salâh (pagdarasal) bilang paggunita sa Akin.” (20:14)
Kaya, nararapat na panatilihing tawagin Siya sa pangalang Allah, sapagkat Siya mismo ang nagbigay ng Kanyang pangalan.