Itinala ni Bro. Abdullah Tabing
Tanong: Dapat bang magzakat sa lupang naka-loan at hindi pa tapos bayaran ang loan? Magkano ang dapat na zakat nito if kinakailangan?
Sagot: Bismillah, Alhamdulillahi Wassalatu Wassalamu Ala Rasulillah, Waala Alihi Wasahbihi Waba’d. Ang lupa mong nakasangla ay katulad ng aking naipaliwanag tungkol sa Zakah Ng lupa na nabili sa pamamagitan ng installment, kahit ito ay hindi mo pa natapos bayaran o hindi mo pa nabayaran ang utang mo sa taong nautangan mo kapalit ng pangsangla mo sa lupa ay wala ring Zakah kung ito ay para gamitin lamang pansarili, bahayan at taniman, sapagkat ang lupa ay hindi kabilang sa mga salapi o ari-arian na nararapat na patawan ng Zakah, maliban kung ito ay binili o inihanda para sa kalakalan, o para sa taniman, o kaya ay mayroon kang salapi o pera upang patawan ng Zakah bukod sa pera mong pambayad sa utang.
Kung ang lupa mong ito ay nabili o nakahanda para sa kalakalan, kahit pa ito ay nakasangla sa tao ay nararapat na patawan ng Zakah taon taon, ibig sabihin ay sa pagkalipas ng isang taon mula kung kailan nabili (Hawalan Al-Hawl), sapagkat ikaw pa rin ang may-ari at responsable nito. Ang Zakah nito ay ikaapat ng ikasampung porsiyento (2.5 %) kung ang halaga ay umabot ng minimum na halaga upang ito ay maaari nang patawan ng Zakah (Al-Nisab), batay sa Nisab ng purong ginto, ang bullion na ginto, sa tamang pananaw ng mga Pantas (kaawaan sila ng Allah) at ng purong pilak batay sa iba. Ang Nisab ng ginto ay dalawampu ka mithqal pumapantay ng 70 gramo ayon sa napag-aralan natin sa Islamic University sa Medina, Kingdom of Saudi Arabia (KSA) o 85 gramo ayon sa ibang mga Pantas at ayon din sa ZAKAT FUND sa United Arab Emirates (UAE) at sa International Islamic Charitable Organization (IICO). At ang Nisab naman ng pilak ay dalawang daan pumapantay ng 460 gramo ayon sa napag-aralan natin sa Islamic University sa Medina, Kingdom of Saudi Arabia (KSA) o 595 gramo ayon sa ibang mga Pantas at ayon din sa ZAKAT FUND sa United Arab Emirates (UAE) at sa International Islamic Charitable Organization (IICO). Tuusin taon taon ang halaga ng lupa na nabili para sa pangangalakal, at ang Zakah nito o Nisab ng Zakah ay batay kung ano ang halaga ng purong ginto o purong pilak sa kapanahunan at kung magkano ang halaga nito sa pera kung saan lugar naroroon ang lupa.
Pumapasok sa isyung ito, ibig sabihin ay sa pangangalakal kapag magkaroon ka ng layunin upang ipangalakal itong lupa mo kahit na ito ay sauna mong pagbili ay para lamang sa bahayan o taniman, at mag-umpisa ang pagtutuos kung kailan ka nagkaroon ng layunin para ito ay ipangalakal, sang-ayon sa pananaw (Fatwa) ng ibang mga Pantas halimbawa nina Al-Sheikh Abdulaziz Bin Baz (kaawaan sila ng Allah). Gayundin kung ito ay ibenta mo, nararapat din na patawan ng Zakah ang halaga ng pagbenta batay din sa Zakah o Nisab ng purong ginto o purong pilak, sapagkat ito ay naging salapi o pera (Al-Awraq Al-Naqdiyah) na maaari mong patawan ng Zakah taon taon o kaya ay sa oras ng pagkakaroon nito (Fawran) kung ito ay umabot ng Nisab. Subalit sa atin sa Mindanao kung saan ang mga lugar na nasasakupan ng AL-LUJNATUL ULYA para sa mga Zakah, ayon sa kanila ay sa oras ng pagkakaroon ng salapi batay sa ikabubuti at pangangailangan ng mga katutubo at habitants. At sinang-ayunan ng DARUL IFTA at ng namumuno sa mga Bangsamoro. Gayundin, kung ang lupa mong ito ay tinataniman, nararapat na patawan ng Zakah batay sa mga produkto (ani o tanim at bunga) tuwing pag-aani o pag-harvest. Ikaw na may-ari ng lupa ang responsable kung ikaw din ang nagtatanim, at ang taong nautangan mo naman o nakasangla sa lupa mo ang responsable – hindi ikaw – kung siya ang nagtatanim. Ang Zakah naman nito ay ikasampung porsiyento (10 %) kung ito ay nabubuhay lamang sa ulan o hindi na ginagastusan, o kaya ay kalahati ng ikasampung porsiyento (5 %) kung ang mga ito ay ginagastusan o inaalagaan sa pamamagitan ng irrigation, o kaya ay tatlong ikaapat ng ikasampung porsiyento (7.5 %) kung ang mga ito ay nabubuhay sa ulan at inaalagaan din sa pamamagitan ng irrigation, ayon sa International Islamic Charitable Organization (IICO) at kung ang halaga din ay umabot ng minimum na halaga upang ito ay maaari nang patawan ng Zakah (Al-Nisab). Ang Nisab nito ay limang Awsuq na ang isang Wasq ay animnapung Saa na ang isang Saa ay apat na Amdad sang-ayon sa napagkaisahan ng mga Jurist (kaawaan sila ng Allah), na pumapantay ng 675 kilogram ayon sa napag-aralan natin sa Islamic University sa Medina, Kingdom of Saudi Arabia (KSA), o kaya ay 653 kilogram mula sa trigo at iba pa ayon sa IICO. Bagaman hindi nagkaisa ang mga pananaw ng mga Pantas tungkol sa mga klase ng ani o tanim at bunga na nararapat na patawan ng Zakah. Ayon sa ibang mga Pantas at sa LUJNATUL ULYA, ang lahat ng bunga (Thimar) ay hindi nararapat na patawan ng Zakah maliban kung ang mga ito ay maging halaga o pera. At ayon sa IICO batay sa pananaw ni Abu Hanifa (kaawaan siya ng Allah), anuman ang klase ng ani o tanim kahit pa ang bunga at gulay ay nararapat na patawan ng Zakah kung ito ay umabot ng Nisab. Kaya, kung ikaw ang responsable na magbigay ng Zakah, maging ito ay dahil sa pangangalakal o dahil sa pagtatanim sa lupa mong ito, o kahit anumang dahilan ng pagbigay mo ng Zakah, ayon sa kay Al-Shafi’e, Al-Sheikh Abdulaziz Bin Baz at Al-Sheikh Mohammad Bin Salih Al-Uthaimin (kaawaan sila ng Allah) hindi mo na dapat ibawas mula sa kinita mong salapi ang utang o ang ibinabayad mo sa taong nakasangla sa lupa, sapagkat inuutusan ni Propeta Mohammad (sumakanya ang kapayapaan) ang kanyang mga taga pag-kolekta ng Zakah nang hindi na pinatatanong sa mga tao kung may mga utang sila o kaya ay wala.
Bagaman ang loan o sangla ay malawak na usapin sa Islam, kung kaya wala tayong nabanggit dito kung ang pagsangla mo sa lupa kapalit ng pag-utang mo ay ipinapahintulot ba sa Batas o kaya ay hindi, sapagkat iyon ay depende sa pamamaraan ng sangla at depende rin sa usapan sa tao o sa kompanya kung saan ka nakipag-ugnayan.
Ang Allah lamang ang higit na nakakaalam.