Si Hesus ba ay tagapagtubos ng kasalanan? Hindi lingid sa ating kaalaman ang usaping pagtubos ng kasalanan sa pamamagitan ng pagkapako ni Hesus Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) sa krus na kung saang ito ay hindi katuruan sa Relihiyong Islām. Ang katanungang si Hesus Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) ba ay tagapagtubos ng kasalanan ay malawak na usapin subalit gagawin na lamang nating basihan ang Bibliya at ang Qur’ân upang sa gayon ay maging balanse ang ating kaalaman mapa-Muslim man o mapa-Kristiyano ay walang paninira sa anumang Relihiyon sapagkat ang Relihiyon ay pamantayan ng ating buhay, kaya nararapat na bukas ang ating isipan sa pamamagitan ng pananaliksik ng kaalaman at tanggapin ang katotohanan. Ang doktrina ng pagtubos at pagmamana ng kasalanan ay hindi katuruan sa Bibliya at gayon din sa banal na Qur’ân. Ayon sa nabanggit sa Bibliya:
“Ang ama ay di dapat pagdusahin sa kasalanan ng anak ni ang anak sa kasalanan ng ama; kung sino ang may sala ay siyang dapat magdusa.” (Deuteronomio 24:16)
“Mamamatay ang isang tao dahil sa kanyang kasalanan.” (Jeremias 31:30)
Kung babasihan natin ang mga nabanggit ay malinaw na ang bawat isa sa atin ay mananagot sa kanyang kasalanan, kaya ayon sa Bibliya ay hindi tagapagtubos ng kasalaman si Hesus Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan), ito rin ang paniniwala ng mga Muslim sapagkat ito ay sumasang-ayon sa banal na Qur’ân, at kung sina Adan at Eba ay kapwa nagkasala ay sila rin ang mananagot sa kanilang mga kasalanan subalit ayon sa katuruan sa Islām ay pinatawad naman sila ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā). Ang kasalanan ng tao ay hindi maipapasan sa iba sapagkat hahatulan ang sinumang tao ayon sa kanyang kasalanan. Bigyan natin ng halimbawa; kung may gumawa ng krimin at ikaw naman ay alagad ng batas, sino ang huhulihin mo? Ang inosenting tao ba o ang gumawa mismo ng krimin? Kung ikaw ay may mga anak, kapag nakagawa ng kasalanan ang isa sa kanila, sino ang mananagot? Narito mga kapatid ang nabanggit sa banal na Qur’ân:
وَلا تَزِرُ وَازِرَةٌ وِزْرَ أُخْرَى ثُمَّ إِلَى رَبِّكُمْ مَرْجِعُكُمْ فَيُنَبِّئُكُمْ بِمَا كُنْتُمْ تَعْمَلُونَ إِنّهُ عَلِيمٌ بِذَاتِ الصُّدُورِ. سورة الزمر
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Walang sinumang may dala ng kasalanan ang maaaring magdala ng kasalanan ng iba. Pagkatapos, sa inyong Panginoon kayo ay babalik, at Kanyang ipagbibigay-alam sa inyo kung ano ang inyong ginawa. Katotohanang Siya ang nakakaalam sa lahat ng nasa puso ng mga tao.” (Az-Zumar 39:7)
Kung sakaling mayroon sa atin na nag-aalinlangan sa mga nabanggit sa Bibliya kamakailan dahil sa ito’y nasa lumang tipan! Ngayon ay narito ang bagong tipan na mismo si Hesus Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) ang nagsabi ayon sa Bibliya:
“Huwag ninyong hatulan ang inyong kapwa, upang hindi kayo hatulan ng Diyos. Sapagkat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa hatol na inihahatol ninyo sa iba.” (Mateo 7:1-2)
“Ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Senedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid “ulol ka!” ay mapapasaapoy ng impiyerno.” (Mateo 5:22)
Samakatuwid, Si Hesus Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) ayon sa pananampalatayang Islām ay hindi napatay ng mga Hudyo at hindi nila naipako sa krus, at kung mayroon man silang naipako sa krus ay kawangis lamang niya iyon, patutunayan natin ito sa pamamagitan ng banal na Qur’ân na sinabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā).
وَمَاقَتَلُوهُوَمَاصَلَبُوهُ وَلَكِنْ شُبِّهَ لَهُمْ. سورة النساء
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Datapuwa’t siya (Hesus) ay hindi nila napatay, gayon din siya (Hesus) ay hindi nila naipako sa krus, datapuwa’t ang nailagay na lalaki ay kawangis ni Hesus.” (An-Nisā 4:157)
Malugod po naming tinatanggap ang inyong mga komento o anumang karagdagang kaalaman tungkol sa paksang ito. Maraming salamat…