Ang Qur’ân ay salita ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) na ipinahayag Niya kay Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allahu Àlayhi wa Sallam) sa pamamagitan ni Jibreel (Anghel Gabriel) na nagsisimula sa Sūrah Al-Fātiḥah at nagtatapos sa Sūrah An-Nās. Ito ang kahuli-hulihan sa mga banal na Kasulatan na ibinigay sa mga naunang Propeta Àlayhimus Salām (sumakanila ang kapayapaan). Ito ay walang pag-aalinlangang nagmula sa Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) bilang isang patnubay sa mga taong may pangangamba o pagkatakot sa Kanya. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
ذَلِكَ الْكِتَابُ لا رَيْبَ فِيهِ هُدًى لِلْمُتَّقِينَ. سورة البقرة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Itoo ang Aklat (Qur’ân) na walang pag-aalinlangan dito, ang tunay na patnubay sa mga may pagkatakot sa Allǎh.” (Al-Baqarah 2:2)
Ang Qur’ân ay ginarantiya ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) na Kanyang pangangalagaan ito laban sa paglalaro o maruming pag-iisip upang ito ay mabago, kaya kailanman ay walang makakapagdulot ng kahit na kaunting pagbabago sa Qur’ân. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
إِنَّا نَحْنُ نَزَّلْنَا الذِّكْرَ وَإِنَّا لَهُ لَحَافِظُونَ. سورة الحجر
Ayon sa kahulugan ng taltang ito: “Katotohanang Kami ang nagpapahayag ng Dzikr (Qur’ân), at katiyakang ito ay Aming pangangalagaan.” (Al-Ḥijr 15:9)
Kaya, ang banal na Qur’ân ay higit na napangangalagaan laban sa kabulukan at katiwalian hindi katulad ng mga naunang kasulatan na kung saan ay dumanas ng pagbibigay sira, pagdagdag at pagbabawas sa mga talata. Ang mga talata ng banal na Qur’ân ay salitang arabik sapagkat si Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) ay arabo at ang kanyang salita ay arabik.