Bismillah-hir Rahman-nir Raheem
Assalamu Alaikom wa Rahmatulahi wa Barakatu
Ako po si Henry Untalan Sulit at ngayon ay Ibrahim sa Islam tubong Oriental Mindoro, at kasalukuyang naninirahan sa province of Bulacan may asawa at dalawang anak. Almost 6 years narin po akong ofw, una 3 years po dito sa Kuwait at nakipag sapalaran ng isang taon sa bansang Qatar at pagkatapos noon ay muling bumalik dito sa Kuwait at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang salesman sa Fruits and vegetable section ng Rawda & hawally Co-operative Society.
Mula sa Aking pagkabata ang nakagisnan ko pong relihiyon ay ang relihiyon ng aking magulang na Romano Katoliko ito ang aking namulatan mula ng magkaisip at hanggang sa magbinata subalit dumating ang pagkakataon at biglang nabago ang aking paniniwala sa relihiyong ipinamana o ipinamulat sa akin ng aming mga magulang na Katoliko. Ang Born Again ang relihiyon na ipinalit ko sa dati kong relihiyon kasama narin ang aking dalawang kapatid na nagpa-bautismo at dito kami naging aktibo sa relihiyong ito. Naranasan kong magturo ng mga aral at kwento sa Biblia sa mga bata. Subalit ng lumipas ang mga panahon at dumating ang time na mag- aasawa na ako ay napilitan po akong muli na balikan ang Katoliko na iniwan kong relihiyon sapagkat hindi kami makakasal ng asawa ko kung hindi ako magiging katolikong muli dahil sa maraming kadahilanan. Bininyagan at kinumpilan ako sa Katoliko sa oras ng aming kasal sapagkat ito ang proseso at ito ang paniniwala nila para kami ay makasal. Mula po sa pagbabalik Katoliko ay parang bumaba ang aking buhay spiritwal, at hanggang dumating sa buhay ko na wala na akong pinaniniwalaang relihiyon bagamat ang aking paniniwala na mayroong Diyos ay nanduduon parin.
Mula sa aking kamusmusan hanggang magkaisip at magka-pamilya ay wala akong ideya kung ano ang Islam. Maliban sa aking pagkaka-alam, mula sa aking naririnig sa sabi ng iba at sa napapanuod at nababasa ko na ang mga Muslim ay mga Terorista at kapag Terorista ang alam ko ay yung mga pumapatay ng hindi mga Muslim, kaya’t ang takot ko sa mga Muslim ay tumanim sa aking isipan. Hindi ako mapapalagay kung may makakasama akong Muslim ng time na yon, hanggat sa dumating ang pagkakataon na ako po ay palarin na makapag-abroad dito sa Middle East o sa Gitnang Silangan at ito ay sa bansang Kuwait. Lalung nadagdagan ang aking takot sa mga Muslim, bagamat may takot sa mga Muslim ay tinuloy ko ang pagpunta dito sa Kuwait, gaya ng paniniwala ng iba na mas malaki ang chance na madaling maisakatuparan ang mga pangarap na maging masagana ang buhay.
Nang dumating ako sa Kuwait at noong unang araw ko sa aking trabaho ay nandoon parin ang takot ko sa mga arabo dahil sa pagkaka-alam kong mga Muslim sila. Hanggang sa nakilala si Abdullah Tabing isang Pilipinong Balik Islam. Siya ang nag-introduce sa akin ng mga kulturang arabo at siya rin ang nag-introduce sa akin ng Islam na ang ibig sabihin nito’y pagsunod at pagtalima sa kagustuhan ng nag-iisa at tunay na Diyos na si Allah na Diyos ng lahat, na sa pag-aakala ko nuon ay para lamang sa mga Muslim. At ipinaliwanag din nya sa akin kung sino ang mga Muslim na sila pala ang sumusunod sa katuruan ng Islam at hindi pala ito nakukuha kung ang pangalan mo ay pang-Muslim lamang at kahit ikaw ay anak ng mga Muslim at dika sumusunod sa katuruan ng Islam ay dika matatawag na isang Muslim. Sa unang pagkakataon pa lamang ay parang madali akong naliwanagan at naunawaan ang mga sinabi niya, at mula nuon ay nag-iba ang aking pananaw sa mga Muslim. Magkanun paman ay nagdaan ang mga panahon at ako’y patuloy na nagsaliksik sa Islam gaya ng pagbabasa at patuloy na pagtatanong kay Bro. Abdullah kung may gusto akong malaman, hanggat sa dumating ang point na handa ko nang yakapin ang Islam, subalit hindi agad-agad akong nag-shahada sapagkat maraming naging balakid unang-una na ang aking asawa, ang aking kamag-anakan at ganun din ang sa mga sinasabi ng aking kasamahan. Nang sinubukan kong magsabi at magpaalam sa aking asawa ay hinding–hindi ko malilimutan ang kanyang sinabi na kung ako ako ay magmu-Muslim ay parang kinalimutan ko na sila at nabaliwala ang aming sinumpaang kasal at siyang umiiyak nuon, kaya ako’y nag-alala at ipinagpaliban ko muna ang kagustuhan kong yumakap sa Islam. At mula nuon ay parang nawalan na ng direksyon ang aking buhay hanggang sa akoy magkabisyo gaya ng paninigarilyo, pag-inom ng alak at nambabae at anu-ano pang makamundong gawain dito sa Kuwait.
Lumipas ang mahigit isang taon ko dito sa Kuwait at ako ay muling naimbitahan sa Kpccenter sa mga aktibidad nila duon gaya ng pamamasyal, pag-aaral at iba pa. Naging madalas ang pagbisita ko duon hanggang sa, ang naudlot kong pagyakap sa Islam nung una ay tinuloy kona.
August 14, 2007 ng ako ay mag-shahada, dito ko napatunayan sa sarili ko na ito ang tama, at hindi ko kailangang sirain ang buhay at hindi ko rin kailangang magbulag-bulagan, kasi ang hirap naman na alam kong ito na ang tama ay tatangihan ko pa ito. Kaya ang pagyakap ko sa Islam ay maluwag kong tinanggap sa aking buhay bagamat alam ko na aking pamilya ay tutol dito ay binalewala ko ito at hiniling ko sa Allah na siya na ang bahala sa pamilya ko kung paano nila ako tatanggapin na ako’y isa ng Muslim. Hindi ko kaagad ipinagtapat sa aking asawa ang pagiging Muslim ko, hinintay ko ang tamang panahon hanggang sa akoy umuwi ng Pilipinas at sa unang gabi na kasama ko siya ay duon ko ipinagtapat ang lahat. Alhamdulillah at ni kaunting negative reaksyon ay wala akong narinig, madali niya akong naunawaan at nirespeto niya ang aking naging desisyon. Namalagi ako ng ilang panahon sa Pinas, subalit dala ng pinansyal na pangangailangan ay napilitan akong mag-apply muli sa abroad. Ibig ko sanang sa Kuwait muli bumalik subalit una akong nagka-Visa sa Qatar kaya hindi kona ito pinalampas at nakapunta ako duon at tumagal ako duon ng mahigit isang taon hangang sa mabalitaan kay kuya Abdullah na nangangailangan ang Rawda Jamiya ng maraming Pilipino kaya ng time na pupunta sa Pilipinas ang taong mag-iinterview ay nagdesisyon akong umuwi mula sa Qatar at pinuntahan ko yung Agency at nag-apply ako at Alhamdulillah, isa ako sa pinalad na kinuha nila at makabalik dito sa Kuwait. Sa pagbabalik ko sa Kuwait ay masasabi kong naging mas mainam ang buhay ko dito at maraming biyaya ang aking nakamtan una sa trabaho at ang higit sa lahat ay naranasan ko na makapag-Hajj.
Sa tulong ng KPCCenter at sa tulong narin ni Bro. Abdullah ay isa ako sa inerekominda niya sa naging kandidato sa Hajj. Ako ay lubos na nagpapasalamat at binigyan nila ako ng pagakakataon na makapunta sa Holy Place o Banal na Lugar. Sa aking pagha-Hajj ay naging susi rin na upang higit na maging matatag ang aking pananampalataya sa Islam at ngayon ay nakatitiyak akong hindi na maliligaw pa ang aking landas. Ang tangi ko nalang hiling sa Allah ay ang makasama ko ang aking pamilya sa relihiyong Islam unang-una na ang aking asawa at anak at naway lagi akong patnubayan ng Allah subhana wa ta’ala.
Assalamu Alaikom Wa Rahmatullahi Wa Barakatu.