Itinala ni Bro. Abdullah Tabing
Tanong: Maraming nagtatanong kung ano ang pananaw ng mga pantas sa Islam tungkol sa isyung pagdalaw ng mga kababaihan sa libingan, pwedi po bang ipaliwanag o masabi n’yo ang hinggil dito?
Sagot: Alhamdulillah Wassalatu Wassalamu Ala Rasulillahi Waala Alihi Wasahbihi Waba’d. Una sa lahat, nagka-isa ang mga pantas sa Islam na ang pagdalaw ng mga kalalakihan sa libingan lalung-lalo na sa libingan ng mga kamag-anak ay may kabutihan (mustahabb) o kaya ay sunnah. Ang lehitimong pagdalaw ay ang hangad na upang makagawa ng mabuti para sa mga patay, at upang manalangin sa Allah para sa kanilang kapatawaran at sila’y kaawaan.
Tungkol naman sa pagdalaw sa libingan ng mga kababaihan ay isang usaping hindi napagkaisahan ng mga pantas sa Islam. Banggitin natin ang kabilang sa mga pananaw nila upang maging malinaw sa mga kababayang Muslim Inshallah. Bawal (haram), ayon kay Al-Sheikh Abdulaziz Bin Baz (Kaawaan siya ng Allah) na dating Mufti ng bansang Saudi Arabia at iba pang mga pantas, na ang kanilang katwiran ay mga Hadith ni Propeta Muhammad (Sumakanya ang Kapayapaan) na isinalaysay nila Abu Huraira, Ibno Abbas, at ni Hassan Ibn Thabit (Kalugdan sila ng Allah) na nagsasabing, “Isinumpa ng Allah ang mga babaing dumadalaw sa mga libingan”, pati narin ang pagdalaw ng kababaihan sa libingan ni Propeta Muhammad (Sumakanya ang Kapayapaan) at sa libingan ng dalawa niyang (Sahabi) sina Abu Bakr at Omar Ibno Al-Khattab (Kalugdan sila ng Allah). Hindi Bawal, subalit kinasusuklaman (Makrooh), ayon sa karamihan sa mga pantas, Al-Malikiyah, Al-Shafi’eyah at Hanabilah (Kaawaan sila ng Allah), na ang kanila ding katwiran ay ang mga Hadith na nabanggit sa una at sa isa pang Hadith na nagsasabing, “Isinumpa ng Allah ang mga babaing madalas dumalaw sa libingan”. Mabuti (Mustahabb) katulad din ng mga kalalakihan, ayon sa mga Al-Hanafiyah (Kaawaan sila ng Allah), na ang katwiran naman nila ay ang Hadith ni Propeta Muhammad (Sumakanya ang Kapayapaan) na nagsasabing, “Ipinagbawal ko sa inyo ang pagdalaw sa mga libingan, at inyo ng dalawin ang mga ito (mga libingan) sapagkat nakapagpapaala-ala para sa inyo ng Kabilang Buhay.” May mga pantas na pinag-iba ang mga dalaga at matatanda. Ayon sa kanila, kinasusuklaman (Makrooh) sa mga dalaga at ipinahintulot sa mga matatanda kung hindi magkakaroon ng pag-iiyakan sa padalaw nila sa pagbabalik alaala sa natamo nilang lungkot. Walang kasamaan (Ja’iz), ayon sa nabanggit ni Ibno Qudama mula kay Imam Ahmad at ayon din sa isang pananaw ng mga Al-Shafi’eyah (Kaawaan sila ng Allah), na ang katwiran nila ay iyong Hadith, “Ipinagbawal ko sa inyo ang pagdalaw sa mga libingan, at inyo ng dalawin ang mga ito (libingan) sapagkat, nakapagpapaala-ala para sa inyo sa Kabilang Buhay)”, sapagkat itong Hadith ay pawang nauukol sa mga kalalakihan at mga kababaihan. Isa pang Hadith na nagsasabing; “Si Aisha (kalugdan siya ng Allah) ay nakita ng isa sa mga kasamahan (Sahabah) ni Propeta (Sumakanya ang Kapayapaan) na nanggaling sa libingan ng kanyang kapatid na si AbdurRahman at sinabi sa kanya (Aisha). Hindi ba ipinagbawal ni Propeta ang pagdalaw sa mga libingan? Sabi niya (Aisha) Oo, pagkatapos ay ipinahintulot niya”. Isa pang Hadith na, “Si Aisha ay tinuruan ni Propeta (Sumakanya ang Kapayapaan) kung ano ang ipapanalangin niya kapag dumadalaw siya sa libingan.”
Sa madaling sabi, nabanggit natin, kasama ang ating pagmamahal at paggalang sa mga pantas, na ang pagdalaw ng mga kababaihan sa libingan ay walang kasamaan, subalit ito ay sang-ayon sa mga sumusunod na kondisyon. Una: Kung may hangad na upang makagawa ng mabuti para sa mga patay, at upang alalahanin ang Kamatayan at ang Kabilang Buhay, at mapaghandaan din ang mga ito. At upang manalangin din sa Allah para kaawaan at sa kapatawaran nila, sang-ayon sa napagkasunduan ng mga pantas. Ikalawa: Kung ang pagdalaw ng mga kababaihan pati narin ng mga kalalakihan ay hindi sadyang paglalakbay para lamang doon sang-ayon sa lahat ng mga pantas. Ikatlo: Kung hindi magkakaroon sa pagdalaw nila ng pag-iiyakan at pag-papalahaw sa pagbabalik alala sa natamo nilang lungkot o anumang ipinagbabawal sa mga kababaihan sanhi ng kanilang kahinaan, sang-ayon sa nabanggit ni Ibno Abidin. Ikaapat: Kung walang mangyayaring masama (Fitna) o kinatatakutang mangyari, sang-ayon sa nabanggit ni Al-Nawawi, katulad ng pagsasama ng mga lalaki at babae at pagsusuot ng mga babae ng hindi wastong damit o mga damit na nakakaakit sa mga lalaki at iba pa. Ikalima: Kung ang pagdalaw nila ay hindi madalas, sang-ayon sa nabanggit ni Al-Qortubi at kung hindi maging kaugalian na nilang mga babae.
Ang Allah lamang ang higit na nakakaalam!