Bismillah… Hindi ko inaasahan na ang aking natagpuang relihiyon ay dito ko pala mapapalawaig ang aking kamalayan at kaalaman kung sino talaga ang tunay na nagbigay buhay sa akin at sa lahat lahat ng nabubuhay dito sa Mundong ibabaw maging maliit man ito o malaki. Wala sa hinagap o pag-iisip ko ang pagpasok sa relihiyong Islam noong nasa Pilipinas pa ako dahil sa tuwi-tuwina’y may nasasangkot na Muslim na gumagawa ng hindi maganda. Ngunit ang lahat pala ng ito’y gawa-gawa lamang ng mga taong hindi naiintindihan at wala naman talagang kaalaman kung ano ba talaga ang katuruan ng pananampalatayang Islam dahil lahat lamang ng kanilang nakikita ay ang mga nasasangkot na mga Muslim na gumagawa ng hindi katuruan ng Islam katulad ng pananakit, paggawa ng hindi maganda sa kapwa nila. Aminado ako na ganito din ako mag-isip noon sa mga muslim ngunit nang aking matagpuan ang pananampalatayang Islam at ng aking saliksikin lubos ko itong naunawaan at naintindihan na magkaiba pala ang Islam at ang Muslim.
Ang Islam ay ang Relihiyon ng mga Muslim na ang mga turo ay mga pawang kabutihan, mabuting gawa at mga katuruan. Mga katuruang pakikipag kapwa-tao sa maayos at mabuting pamamaraan, maging tapat, maging maka-Diyos sa bawat sandali ng buhay ng bawat tao. Samantala ang Muslim naman ay ang mga tao na may sariling pag-iisip na gumagawa ng mga mabubuting gawain at umiiwas sa mga gawaing labag sa pananampalatayang Islam o wala sa katuruan ng Islam.
At ngayon taas noo ako na naging isang Muslim dahil dito ko natagpuan ang kagandahan ng buhay at sa relihiyong ito ako lubos na namangha sa dahilang sumasamba lamang ang taong Muslim na tunay na nananampalataya sa nag-iisang Diyos at ito ay si Allah (SWT), ang tunay na pangalan ng Diyos na kanyang ipinahayag sa mga naunang tao sa Mundo magmula pa kay Adan at sa mga Propeta o Sugo.
At nang aking saliksikin at pag-aralan pa ay lumalim pa lalo ang aking pananampalataya na ganito pala ang mga turo at aral sa relihiyong ito na hindi ko nakita noon at hindi parin nakikita ng marami sa atin ngayon kung ano ang kagandahan ng relihiyong ito sa kadahilanang ang nakikita lamang ng karamihan ay ang mga Muslim na gumagawa ng mga labag sa katuruan at pananampalatayang Islam. Katulad ng ibang tao merong masama at mabuti dahil hindi naman talaga magkakaparehas ang mga ugali ng mga tao kaya’t kung ang isang taong Muslim nakagawa ng masama bakit natin idadawit ang pangalang Islam na wala naman kinalaman sa gawa ng taong nakagawa ng mali dahil ang Islam ay maliwanag ang mga katuruan na maging mapagkumbaba sa kapwa-tao maging malinis ang mga puso at pag-iisip maging mapagbigay sa mga taong nagugutom, at maging sa pagmamalupit sa mga hayop ay mahigpit na ipinag babawal ng relihiyong Islam. Kayat paano natin hinuhusgahan ng ganon-ganon na lamang ang relihiyong ito na ang taong Muslim ang gumawa ng kasalanan at hindi naman ang relihiyong Islam? Ng hindi natin nalalaman o wala tayong kaalaman sa pananampalatayang ito.
Kaya’t sa pamamagitang ng isang Video na ang pamagat ay “BAKIT IKAW AY KRISTIYANO AT AKO AY MUSLIM?” na nakapost sa isang Social Media at ng akin itong pakinggan doon ko nalaman ang kaibahan ng pananampalatayang Kristiyanismo at ng pananampalatayang Islam dito ko din nalaman na si Hesus na anak ni Maria na siya ay nagpapatirapa din sa kanyang pagdarasal katulad ng kangyang Ina na sumasamba lamang sa nag-iisang Diyos at katulad din ng mga Muslim ngayon kung paano sila magsagawa ng dasal at sumasamba lamang sa Allah (SWT) ang pinaka mahabagin at ang pinaka maawain.
Nang aking yakapin ang pananampalatayang Islam ay dito ko nalaman na ang pamana pala at pinamulat sa akin ng aking mga magulang na pananampalayang Kristiyanismo ay isang pagtatambal o pagsamba sa mga diyos-diyosan na isang malaking kasalanan sa nag-iisang tunay na Diyos. Dahil sinamba ko si Hesus mula pa ng ako ay magka-isip ngunit nagkamali pala ako halos kalahati ng aking buhay ay nag-tambal ako sa nag-iisang Diyos “Allah” na dapat lamang sambahin at pag-alayan ng pasasalamat sa kanya lamang at wala ng iba maliban sa kanya lamang.
Mga kapatid, inaanyayahan ko po kayong saliksikin at pag-aralan ang relihiyong Islam. At makikita po ninyo ang kapayapaan, kapanatagan sa ating buhay dito sa Mundong ibabaw na magtuturo sa ating landas patungo sa Paraiso na ginawa at inihanda ni Allah (SWT) sa mga taong nananampalataya lamang sa kanya.
(Mula kay Bro. Yousef Dennis Parrocha)