Bismillǎh, Alḥamdulillǎh, Waṣṣalaatu Wassalaamu ‘Alaa Rasoolillǎh…
Maraming nag-aakala na ang Muslim ay ang taong isinilang mula sa mga magulang o mga angkan na mga Muslim!
Ang salitang Muslim ay siyang katawagan sa taong tumatalima, sumusunod, sumusuko at nagpapasakop sa nag-iisang tunay na Diyos, at tumatakwil sa anumang uri ng pagtatambal sa Kanya. Ang Muslim ay ang taong kumikilala lamang sa nag-iisang tunay na Diyos na Tagapaglikha.
Ang pangalan, lahi, kulay, tribo, angkan o bansa ay hindi mga batayan upang ang isang tao ay matawag na Muslim. Isa sa maling ipakahulugan ng iba na ang mga Muslim daw ay ang mga arabo dahil sa ang pagkakaakala nila na ang mga arabo ay mga Muslim lahat, bagama’t karamihan sa mga arabo ay tagasunod ng Islām subalit mayroon din sa kanila na hindi mga Muslim. Sa katunayan, ang Islām ay ipinahayag ng Allǎh (سبحانه وتعالى) para sa lahat at hindi para sa isang lahi lamang.
Sa katotohanan, ang bawat sanggol na isinilang ay Muslim sapagkat siya ay nasa ilalim ng tinatawag sa wikang arabik na “Fiṭrah” na ang kahulugan nito ay likas na pagsunod sa nag-iisang tunay na Diyos. Kaya nagiging Hudyo, Kristiyano o Pagano ang bata dahil sa kanyang mga magulang o sa mga taong nag-aruga sa kanya. Ayon sa isang naisalaysay na Ḥadeeth, sinabi ni Propeta Muḥammad (صلى الله عليه وسلم): “Ang lahat ng sanggol ay ipinapanganak sa ilalim ng Fiṭrah (likas na pagsunod sa nag-iisang tunay na Diyos), subalit ang kanyang mga magulang ay ginawa siyang Hudyo, Kristiyano o pagano.”
Bilang karagdagang kaalaman sa mga literal na pakahulugan: Muslim ay Muslim na lalaki, Muslimah ay Muslim na babae, Muslimoon o Muslimeen ay mga Muslim na lalaki, Muslimāt ay mga Muslim na babae.