Ang Zakāh (katungkulang kawang-gawa) ay ibinibigay sa sinumang nararapat na bigyan nito, at mayroong walong klaseng mga tao na nararapat tumanggap ng Zakāh. Sabi Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
إِنَّمَا الصَّدَقَاتُ لِلْفُقَرَاءِ وَالْمَسَاكِينِ وَالْعَامِلِينَ عَلَيْهَا وَالْمُؤَلَّفَةِ قُلُوبُهُمْ وَفِي الرِّقَابِ وَالْغَارِمِينَ وَفِي سَبِيلِ اللهِ وَابْنِ السَّبِيلِ فَرِيضَةً مِنَ اللهِ وَاللهُ عَلِيمٌ حَكِيمٌ. سورة التوبة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Ang Zakāh ay para lamang sa mga Kapuspalad, at mga mahihirap, at mga Lumilikom nito, at mga mahihinang kalooban (bagong yumakap sa Islām), at sa pagpapalaya ng mga alipin (o bihag), at mga may utang, at sa landas ng Allǎh, at mga naglalakbay; ito ay isang katungkulan na itinalaga ng Allǎh; datapuwa’t ang Allǎh ang pinakamaalam, ang higit na may karunungan.” (At-Tawbah 9:60)
- Mga Kapuspalad (الفقراء): sila yaong mga walang hanap-buhay, hindi nila alam kung saan sila kukuha ng pangkabuhayan maaaring umaasa lamang sila sa tulong ng iba.
- Mga Mahihirap (المساكين): sila yaong mga hindi sapat ang kanilang hanap-buhay, mayroon silang nakukuha subalit hindi naman ito sapat para sa kanilang pangangailangan.
- Mga Lumilikom ng Zakâh (العاملين عليها): sila yaong mga pinagkakatiwalaang maningil o lumikom ng Zakāh, sila ay binibigyan ng Zakāh bilang kapalit ng kanilang ginagawa.
- Mga Mahihinang Kalooban (المؤلفة قلوبهم): sila yaong mga bagong yumakap sa Islām, sila ay binibigyan ng Zakāh upang maging matatag ang kanilang kalooban sa Islām.
- Sa Pagpapalaya ng mga Alipin (في الرقاب): sila yaong mga alipin o kaya’y mga bihag, higit na mainam ang pagbibigay sa kanila ng Zakāh para sa kanilang kalayaan.
- Mga May Utang (الغارمين): sila yaong mga baon sa utang, sila ay binibigyan ng Zakāh upang matulungan sila sa pasaning pagkakautang kahit na sila ay mayaman pa.
- Sa Landas ng Allǎh (في سبيل الله): sila yaong mga nakikipagdigmaan alang-alang sa landas ng Allǎh (fee sabeelillǎh), higit na mainam ang pagbibigay sa kanila ng Zakāh upang mapanatili ang batas ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā).
- Mga Naglalakbay (ابن السبيل): sila yaong mga nasa paglalakbay na kinapos ng panggastos, sila ay binibigyan ng Zakāh ayon sa kanilang pangangailangan o kaya’y upang makabalik sa lugar na kanilang pinanggalingan.
Gayunman, ang Zakāh ay maaaring ibigay alin man sa walong klaseng nabanggit, bagama’t ang komunidad ng mga Muslim ay dapat magsiyasat kung sino ang mga taong nararapat na bigyan ng Zakāh na kung saan ay higit na nangangailangan.