Sa Islâm ay ipinag-utos ang mabuting pakikitungo sa mga magulang sa anumang panahon, at bilang dagdag kaalaman ay babanggitin natin ang ilan sa mga karapatan ng mga magulang sa kanilang mgma anak:
1. Ang mabuting pagsunod sa mga magulang. Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:
وَقَضَى رَبُّكَ أَلاَّ تَعْبُدُوا إِلا إِيَّاهُ وَبِالْوَالِدَيْنِ إِحْسَانًا. سورة الإسراء
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: At ang iyong Panginoon ay nag-utos na huwag kayong sumamba maliban lamang sa Kanya (Allǎh), at kayo ay maging mabuti (masunurin sa pagsunod) sa inyong mga magulang. (Al-Isrâ 17:23)
At sa isang Ⱨadeeth, ayon kay Abu Bakrah Nafie’ bin Al-Ⱨârith (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: sinabi ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Tandaan (ninyong mabuti)! Babanggitin ko sa inyo kung ano ang pinakamalaking kasalanan?” – tatlong beses niya inulit – aming sinabi: Oo, O sugo ng Allǎh. Sinabi niya: “Ang pagtatambal sa Allǎh at ang hindi pagsunod sa mga magulang.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍoṣ Ṣâliheen, Ⱨadeeth 1/336, Ikalawang Bahagi, Pahina 112.
2. Ang hindi pag-iismid at pagmumura sa mga magulang kapag sila ay sumapit na sa katandaang gulang: Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:
إِمَّا يَبْلُغَنَّ عِندَكَ الْكِبَرَ أَحَدُهُمَا أَوْ كِلاَهُمَا فَلاَ تَقُل لَّهُمَآ أُفٍّ وَلاَ تَنْهَرْهُمَا وَقُل لَّهُمَا قَوْلاً كَرِيمًا. سورة الإسراء
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: Kung sumapit na sa panahon ng iyong buhay sa katandaang gulang ang isa sa kanila, o kaya’y silang dalawa ay huwag kang mangusap sa kanila na may pag-iismid (mga salitang hindi magaganda), at huwag mo silang pagmumurahin (mga salita o gawaing marurumi), datapuwa’t mangusap ka sa kanila ng salitang marangal. (Al-Isrâ 17:23)
3. Ang pananalangin para sa mga magulang. Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:
وَاخْفِضْ لَهُمَا جَنَاحَ الذُّلِّ مِنَ الرَّحْمَةِ وَقُل رَّبِّ ارْحَمْهُمَا كَمَا رَبَّيَانِى صَغِيرًا. سورة الإسراء
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: At iyong ibaba (gawin) ang iyong sarili para sa kanila na nagpapakumbaba na taglay ng iyong awa (sa kanila), at sabihin mo: O aking Panginoon! Kaawaan Mo silang dalawa na katulad ng kanilang pag-aaruga sa akin nang ako ay maliit pa. (Al-Isrâ 17:24)
4. Ang pagsusustento sa mga magulang kapag sila ay kinapos ng gastos. Sa isang naisalaysay na Ⱨadeeth, dumating ang isang lalaki kay Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) at siya’y nagsabi: O Sugo ng Allǎh! Sino ang mas higit na may karapatan sa mga tao upang pag-ukulan ko ng mabuting pakikitungo? Sinabi niya: “Ang iyong ina”, siya’y nagsabi: pagkatapos ay sino? Sinabi niya: “Ang iyong ina”, siya’y nagsabi: pagkatapos ay sino? Sinabi niya: “Ang iyong ina”, siya’y nagsabi: pagkatapos ay sino? Sinabi niya: “Ang iyong ama.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍoṣ Ṣâliheen Ⱨadeeth 5/316, Ikalawang Bahagi, Pahina 101.
Mapapansin natin sa Ⱨadeeth na ito na tatlong beses paulit-ulit sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) ang ina samantalang isang beses lang niya sinabi ang ama, sapagkat ito ay isa sa mga palatandaan na mas higit na dumanas ng paghihirap ang ina sa kanyang sanggol kaysa sa ama, at kung titingnan natin mabuti ay mayroong tatlong panahon na paghihirap ng ina sa kanyang sanggol. Una: sa panahon ng kanyang pagdadalang tao. Ikalawa: sa panahon ng kanyang panganganak. Ikatlo: sa panahon ng kanyang pagpapasuso o kaya’y pag-aalaga sa kanyang sanggol. Ngunit ang Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) ang higit na nakakaalam sa lahat ng bagay.
5. Ang mabuting pakikitungo o pakikisama sa mga magulang. Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:
وَوَصَّيْنَا اْلإِنسَانَ بِوَالِدَيْهِ حُسْنًا. سورة العنكبوت
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: At aming itinagubilin sa tao na maging mabuti (na masunurin) sa kanyang mga magulang. (Al-Ànkaboot 29:8)
At sa isang Ⱨadeeth, ayon kay Àbdullǎh bin Omar bin Al-Ȁṣ (Raḍi-Allǎhu ànhu) kanyang sinabi: lumapit ang isang lalaki kay Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) at siya’y nagsabi: ako’y nangangakong magiging tapat na makasama mo sa paglikas at sa pakikipagdigmaan alang-alang sa Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ), nais ko lamang makamit ang gantimpala mula sa Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ). Sinabi niya: “Na mayroon pa bang isa sa iyong mga magulang na buhay?”, siya’y nagsabi: Oo, bagkus silang dalawa ay buhay. Sinabi niya: “Kaya nais mo lamang makamit ang gantimpala mula sa Allǎh?”, siya’y nagsabi: Oo. Sinabi niya: “Kung ganon bumalik ka sa iyong mga magulang, at butihin mo ang iyong pakikisama (pakikitungo) sa kanilang dalawa.” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍoṣ Ṣâliheen Ⱨadeeth 10/321, Ikalawang Bahagi, Pahina 104.
6. Ang hindi pagputol ng relasyon sa mga magulang kahit na hindi pa sila mga Muslim. Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:
وَإِن جَاهَدَاكَ لِتُشْرِكَ بِى مَا لَيْسَ لَكَ بِهِ عِلْمٌ فَلاَ تُطِعْهُمَآ إِلَيَّ مَرْجِعُكُمْ فَأُنَبِّئُكُم بِمَا كُنتُمْ تَعْمَلُونَ. سورة العنكبوت
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: Datapuwa’t kung sila (mga magulang) ay magsikap na ikaw ay pilitin para magtambal sa Akin (Allǎh), na wala sa iyo ang kaalaman ay huwag mo silang sundin (sa pagtambal). Sa Akin (Allǎh) kayong lahat ay babalik at isasalaysay Ko sa inyo ang anumang inyong mga ginagawa. (Al-Ànkaboot 29:8)
7. Ang hindi pagputol ng relasyon sa mga kamag-anak. Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:
فَهَلْ عَسَيْتُمْ إِن تَوَلَّيْتُمْ أَن تُفْسِدُواْ فِى اْلأَرْضِ وَتُقَطِّعُوا أَرْحَامَكُمْ. أُوْلَئِكَ الَّذِينَ لَعَنَهُمُ اللهُ فَأَصَمَّهُمْ وَأَعْمَى أَبْصَارَهُمْ. سورة محمد
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: Na ano marahil kung kayo ay tumalikod (sa pananampalataya) ay magsisigawa kayo ng kasamaan sa lupa at inyong pagpuputul-putulin ang inyong mga pagkakamag-anakan?. Sila nga (mga nagsisigawa ng kasamaan) ang mga taong isinumpa ng Allǎh, kaya ginawa Niya silang mga bingi (sa pakikinig ng katotohanan) at binulag Niya ang kanilang mga paningin (sa landas ng patnubay. (Muⱨammad 47:22-23)
At sa isang Ⱨadeeth, ayon kay Abu Muⱨammad Jubair bin Mut’em (Raḍi-Allǎhu ànhu), katotohanang sinabi ng Sugo ng Allǎh (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Hindi makakapasok sa Paraiso ang qaati’ (taong pinuputol niya ang relasyong pagkakamag-anakan).” Napagkasunduan ang Ⱨadeeth na ito nina Al-Bukhâri at Muslim. Tingnan ang Sharⱨ Riyâḍoṣ Ṣâliheen Ⱨadeeth 4/339, Ikalawang Bahagi, Pahina 114.