Naranasan ninyo na bang maghinaing o tanungin ang iyong sarili tulad nito? Bakit kaya sila masyadong pinagpapala, kami ay hindi eh pareho naman kami, ano kaya ang pakiramdam ng maging sikat o maging makapangyarihan sa batas o di kaya’y nagawang kuwestyunin bakit ganito ang kapalaran ko?
Sa kabilang banda naman, sumagip na ba sa iyong isipin ang mga katanungang ito? Paano kong ako’y naging mas mahirap pa sa ulila, o mas masaklap pa na kong ako kaya ang nasa katayuan ng batang iyon na may kapansanan, gaano kaya kahirap mamuhay tulad nila? Bago sitahin ang pagkakaroon ng iba na wala sa iyo, pagkukulang ng karangyaan sa buhay, pagiging di kasing galing tulad ng iyong kasamahan maging ito man ay sa larangan ng kakayahan o biyayang ipinagkaloob ng Allah (SWT), pansinin po muna natin yaong mga kapos sa buhay “espesyal na bata” at yaong mas mahirap ang pinagdadaanan kumpara sa iyong mga hinaing.
Sa pamamagitan nito, iyong mababatid kung gaano ka kapalad aking kaibigan o kapatid sa pananampalatayang Islam.
Kung ating lubos iisipin ang swerte ng buhay , hindi ito pare-parehong itinakdang ipinagkaloob sa bawat isang nilalang. Isang halimbawa, hindi lang mangilan-ngilan mayroon kang makikitang mayaman ngunit hindi naman lubos nakakaramdam ng tunay na kasiyahan o di kaya’y makapangyarihan siya (politiko) subalit bakit hindi niya magawang maging malayang lumabas sa pobliko.
Ilan lamang ito sa mga karangyaang biyaya para sa mga mahihirap ngunit tila suliranin pa rin ang batid nito sa mga biniyayaang lubos. Sa pang araw-araw na pakikipag sapalaran, iba’t ibang suliranin at pagsubok ang dumaraan. Ngunit paano nga ba maging mapagpasalamat parin sa Allah (SWT) sa kabila ng pinagdadaanan? Maging ito man ay maganda o mapait na kapalaran.
Aking kaibigan o kapatid sa Islam, kung ikaw ay malusog subalit kaakibat naman na patung-patong na problema subalit noong ikaw ay nakakita ng taong may kapansanan, ano ang hinihiyaw ng iyong puso? At kung ikaw pa ay nakakakita ng mga batang ulila na lubos na nagugutom, paano umagos ang mga luha sa iyong mga mata? Ilan lamang ang mga bagay na ito nagtuturo sa iyo na sapat na upang maging magpasalamat pa rin sa Allah (SWT) dahil kung sila ay tanggap ang kanilang pinagdadaanan na patuloy na sinusubok ang kanilang tatag at pananampalataya ikaw pa kaya na lubos ng mapalad na kayang gawaan ng paraan upang maayos ang iyong buhay?
Aking kaibigan o kapatid na nanampalataya, anumang dumaraan na mga pagsubok ngayon na iyong pinagdadaanan, ito po ay mula pa rin sa Allah (SWT). Tandaan na hindi binibigay ng Allah (SWT) ang suliranin sa mga nananampalataya sa Kanya kung hindi niya ito kayang lampasan.
Upang makaramdam ng hindi pag-iisa at hindi makaipon ng inggit sa kapwa, magmasid sa paligid at iwasang tingnan ang mas nakakaangat sa iyo datapwat ang mas mainam ay tumingin sa mas nahihirapan pa sa iyo na sinusubok din ng Allah (SWT) dahil sa pamamagitan nito mas lalo mong pasasalamatan ang Tagapaglikha dahil kumpara sa iyong sitwasyon, mas may nakakalamang pang nakikipaglaban sa kanyang pinagdadaanan upang maiwasan na maghinaing at kainggitan ang iyong kasamahan, kumilos at maghanap ng paraan, sipag at tiyaga, pagtitiis, pagkakuntento at hindi paglimot magpasalamat at pagsamba sa Allah (SWT) ang sandatang gamot sa pagkahumaling punahin ang iba.
Mula sa panulat ni Aisha Ismael.