Sa ngalan ng Allah ang Dakilang Tagapaglikha sa lahat ng nilalang. Mahirap nga ba maging mahirap o maginhawa nga ba ang maging mayaman? Karaniwang katanungan sa sarili na binubulong ng (satanas) sa tuwing nakakakita o nakakaramdam ng pagnanais ng mga makamundong nakakaaliw. Kakulangan ng kaalaman sa Islam ang nag-uudyok na sundin ang pagmimithi ng labis na kasiyahan o paglilibang sa mga makamundong nakakaaliw.
Nilikha ng Allah (SWT) ang sanlibutan at sangkatauhan na napapaloob na rito ang Mundo kung saan ito ay may mga dahilan. Ano nga ba ang mga dahilan? Upang mamasyal-masyal lamang at maglibang o di kaya’y mamuhay lamang at maghanap-buhay? Masasagot po ito ng may mga wastong pag-iisip sapagkat ang tunay na nananampalataya sa Allah (SWT) ay alam niya ang kanyang tunay na pinakapangunahing obligasyon sa Allah (SWT) at ito’y sambahin lamang Siya.
Sinabi ng Propeta Muhammad (SAW): “Addunyaa sijnul Muslim wajannatul Kaafir.” Ang mundong ito ay kulungan para sa mga nanampalataya sapagkat batid niya na ang buhay dito sa Mundo ay panandalian lamang na punong-puno ng pagsubok at palamuti ng makamundong nakakaaliw kung kaya’t siya ay napakaingat sa kanyang mga kilos at gawain kaya kinakailangan niyang kontrolin ang kanyang damdamin sa paghahangad at pagnanasa na hindi mabuti. Ito naman ay Paraiso para sa mga di nananampalataya sa Allah (SWT) sapagkat itinuturing niyang malaya siyang gawin anumang gustuhin niya basta’t maaliw lang siya mapabuti man ito o mapasama ng walang limitasyon dahil siya ay kulang sa paniniwala at pagkatakot sa nag-iisang tunay na Diyos. Ukol parin sa makamundong nakakaaliw, ilan lamang ito sa mga sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an at mga talatang ito ay narito:
“At ang buhay sa mundong ito ay walang iba kundi isang paglalaro lamang at paglilibang.” (6:32)
“Ang kayamanan at ang mga anak ay palamuti ng buhay sa mundong ito.” (18:46)
Ito’y sumisimbolo na ang Mundo ay isang libangan lamang na parang laro na may katapusan din at parang isang dayuhan na naglalakbay lamang na umupo lang sandali at nagpahinga. Ang mundong ito na nilikha ng Allah (SWT) ay napapaloob na rito ang natural na kalikasan na walang kaduda-dudang nakakaaliw na pagmasdan at tirahan subalit ang pagdaragdag nito ng mga tao sa paglikha ng mga makamundong nakakaaliw ay siyang nakapagdulot ng unti-unting pagkasira ng mga natural na likha ng Allah (SWT).
Tinutukoy nito ang (teknolohiya), gawa ng pagka-intelektuwal ng tao hindi maipagkakailang ito man ay nakakatulong sa mabuting paraan at pangangailangan subalit maaaring mas lumalamang ang naidudulot nitong pagkakamali kapag ito’y ginagamit sa maling paraan o kasamaan. Tulad lamang ng pagkakaroon ng mga makabagong “gadgets” kung tawagin na puno ng games ang laman, mapabata man o matanda, hinahatak nito ang atensyun, isipan at umuubos ng maraming oras kaysa paggugol ng oras sa mga mas makabuluhang bagay. Pagtutok sa internet/telebisyon sa kapanunuod ng mga hindi makabuluhang kaalaman, pakikinig ng radio (musika) na ipinagbabawal sa Islam, pamamasyal ng subra na parang nagtatapon lang ng pera, pamimili ng mga gadgets na hindi naman masyadong kailangan. Lahat ng mga gawain o gagawin ay dapat may limitasyon kaya gawin nating katamtaman ang mga bagay na ating gagawin.
Mga kapatid, hindi naman minamasama ang pagsasaya o pag-aaliw sa sarili/pamilya kung ito’y naaayon naman sa kakayahan at hindi kalabisan dahil ang kalabisan ay hindi mabuti ang epekto nito sa kalusugan, puso’t isipan. Nakakaapekto din ito sa pananampalataya kung ito’y kalabisan na mababatid kadalasang nangyayari na nahuhuli na sa takdang oras ng pag Salah (pagdarasal) at kung minsan nauuwi pa sa nakakalimutan na ang pag pagdarasal dahil nga sa mga makamundong nakakaaliw kung kaya dahil sa mga gawaing iyon ay nagiging sanhi ng pagkahina ng pananampalataya na siyang ikinatuwa ng (satanas).
Muli paalala, na ang taong naging parte na ng buhay niya ang pagsasagawa ng mga makamundong nakakaaliw ay siyang kadalasang nakakalimot sa tinatawag na kamatayan. Itanong sa sarili, kung ano sa palagay ninyo ang mas maraming benepisyong naidudulot na pakinabang sa makamundong nakakaaliw?
Mula sa panulat ni Aisha Ismael.