Maging mapagpasalamat sa Allah (SWT) Ang pagiging masunurin at mapagpasalamat sa Allah(swt) ay mariing ipinaliwanag sa Banal na Qur’an. Ipinangako ng Allah (SWT) ang Kanyang di mabilang na biyaya para sa mga taong masunurin at mapagpasalamat sa Kanya. At walang may buhay na mamamatay maliban sa kapahintulutan ng Allah sa itinakdang panahon. At sinumang magnais ng gantimpala sa mundong ito, Aming ipagkakaloob ito sa kanya. At sinumang magnais ng gantimpala sa Kabilang Buhay, Amin itong ipagkakaloob sa kanya. At Aming gagantimpalaan ang mga Shaaker (mapagpasalamat sa Allah). (Al –Imran-3:145) Sinabi pa ng Allah (SWT) na sinuman sa Kanyang mga alipin ang palaging nagpapasalamat sa Kanya ay magkakamit ng higit na gantimpala at sinuman ang hindi ay magkakamit ng matinding kaparusahan. At alalahanin nang sinabi ng inyong Pagninoon: Kung kayo’y maging mapagpasalamat (sa pagtanggap at pagsamba lamang sa Allah), bibigyan Ko kayo ng higit pa (sa Aking mga biyaya; nguni’t kung kayo’y hindi marunong magpasalamat (at maging mga di-mananampalataya) ang Aking parusa ay katiyakang matindi. (Ibrahim- 14:7) Sa katunayan, sa kabila ng di mabilang na biyaya ng Allah (SWT) sa Kanyang napakaraming alipin, sadyang kaunti sa kanila ang marunong magpasalamat sa Kanyang Kadakilaan. …subali’t kaunti mula sa Aking mga alipin ang mapagpasalamat. (Saba’- 34:13) Ang pinakamimithing layunin ni Satanas ay ilayo ang kalooban ng tao sa paggunita sa kanilang Tagapaglikha – ang Allah (SWT) at maging di-mapagpasalamat (di-mananampalataya) sa Kanya. Batid ni Satanas ang mga biyayang tatanggapin ng mga tao sa sandaling sila ay maging mapagpasalamat sa kanilang Tagapaglikha. Kaya naman sinabi niya sa Allah (SWT) na lilinlangin niya ang mga tao upang maging di-mapagpasalamat sa Kanya. At lalapitan ko sila sa kanilang harapan, sa kanilang likuran, sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa. At Iyong matatagpuan ang karamihan sa kanila na walang pasasalamat (sa Iyo). (Al-A’raf-7:17) Ang pagiging mapagpasalamat ay nangangahulugan nang may kababaang loob at dalisay na damdamin ng pagkilala at pagtanggap sa lahat ng biyaya na nagmumula sa Allah (SWT). Ito ang isa sa mahusay na katangian na dapat hilingin ng isang alipin mula sa Allah (SWT). Iniulat ni Mu’adh ibn Jabal na ang Propeta (SAW) ay nagsabi sa kanya, “O’ Mu’adh, minamahal kita. Hayaan mong turuan kita ng ilang bagay: sabihin mo sa iyong Du’ah, ‘O Allah, tulungan mo akong maging mapag-alaala sa Iyo, upang ipakita ko ang aking pagpapasalamat sa Iyo, at maging pinakamahusay ang aking pagsamba sa Iyo.” (Ahmad at Abu Dawud) Si Propeta Muhammad (SAW) ay inilalaan ang buong gabi sa pagdarasal at pagpapasalamat sa Allah (SWT) kaya naman ang kanyang mga paa ay namaga at dumugo sa tagal ng kanyang pagdarasal. Sa isang Hadith, si Aisha ay nagsabi sa kanya, “O Sugo ng Allah, bakit mo ginagawa ang mga bagay na ito samantalang pinatawad na ng Allah (SWT) ang lahat ng iyong mga lumipas na kasalanan at maging sa hinaharap?” Ang Sugo ng Allah ay sumagot, “hindi pa ba sapat ito upang higit akong maging mapagpasalamat sa Allah?” (Bukhari at Muslim) Paano Tupdin ang Pasasalamat sa Allah? 1. Pasasalamat ng Puso: Ang buong pusong pagtanggap mula sa Allah (SWT) ng Kanyang mga biyaya, at ang paghahangad ng gayunding mga biyaya para sa lahat ng Kanyang mga nilikha. 2. Pasasalamat ng Dila: Sa pamamagitan ng pagsusumamo at pagtanggap sa mga sinasabi nito. Sa pamamagitan din ng mataimtim na pagpupuri sa Kadakilaan ng Allah(swt). Isa sa mahusay na paraan ng pagdakila at pagpupuri sa Allah (SWT) ay ang pagsasabi ng “Alhamdullillaah” na nangangahulugan ng “Ang lahat ng papuri ay sa Allah”. 3. Pasasalamat ng Buong Katawan o ng Sarili: Ang pakikipagkasundo at pagtanggap sa Allah (SWT) bilang ating Tagapaglikha at tayo bilang Kanyang alipin ay hindi lamang natatapos sa pagsasabi ng La ilaha illa Allah. Hindi ito katulad ng isang karaniwang salita na pagkatapos bigkasin ng ating dila ay tapos na rin ang tungkulin ng pakikipagkasundo. Nangangailangan ito ng patuloy na pagsasabuhay bilang pagtupad sa nasabing kasunduan na isinasagawa ng bawa’t bahagi ng katawan sa araw-araw; gaya ng limang beses na pagdarasal, pagtulong sa kapwa, paggawa ng kabutihan, magandang pag-uugali at marami pang dapat tupdin upang maging huwarang Muslim. Ang pagpapasalamat at pagdakila sa Allah (SWT) ay kinakailangan ng pagkilos at pagsasabuhay ng ayon sa nasabing kasunduan nang buong katapatan at kadalisayan ng damdamin. Ito ay binibigkas ng dila at tumatagos at nararamdaman ng puso na siya namang nag-uutos sa buong katawan upang kumilos at magsagawa ng lahat ng mga tungkulin bilang pagtupad at pagsunod sa kagustuhan ng Dakilang Tagapaglikha. Ito ang magbibigay karapatan sa isang alipin upang makamtan ang habag at awa ng Allah (SWT) na siyang magdadala sa kanya sa isang tiyak at tunay na tagumpay sa kabilang buhay – ang makamit ang kaganapan ng buhay sa Paraiso, insha’Allah. Upang maisakatuparan ang ganap na pagpapasalamat at ang tunay na pagdakila sa Allah (SWT), kailangang maging malinaw sa atin ang lahat ng Kanyang mga di-mabilang na biyaya na patuloy nating natatanggap nang sa gayo’y maunawaan natin na tungkulin ng bawa’t tao na pasalamatan at papurihan Siya. Karamihan sa tao ang nag-aakala na ang biyaya ay yaon lamang mga bagay na hinihiling at ninanais na makamit mula sa abot ng ating kaisipan na ipinagkakaloob ng Allah (SWT) sa atin. Nguni’t sa katotohanan ang pinakamainam na biyaya (ni’mah) na maaari nating makamit ay ang biyaya ng Islam, sapagka’t ito ang nagsisilbing daluyan ng pinakamainam na kaligayahan sa mundong ito at sa Kabilang buhay. Sa katunayan ang biyaya ng Allah (SWT) sa Kanyang mga alipin ay walang limitasyon. Ating tunghayan ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qura’n: At kung inyong bibilangin ang mga biyaya ng Allah, kailanma’y hindi ninyo ito kayang bilangin. Katotohanan, ang Allah Mapagpatawad, ang Mahabagin. (An-Nahl-16:18)
Mula sa panulat ni Bro. Nasser George Aleta.