Itinala ni Bro. Abdullah Tabing
Tanong: Ako ay isang masugid na taga-subaybay ng inyong column na tanong at sagot sa pag-usapan po natin Filipino magazine at dahil napapanahon na ang halalan sa ating bansa, ako ay naguguluhan sa pagpili ng magiging lider o pinuno ng ating bansa, kaya ako ay sumasangguni upang magkaroon ng kaalaman kung ano ba ang pananaw ng Islam sa pagpili ng isang mainam at mabuting lider ng isang komunidad, ng isang bayan, o ng isang lipunan, o maging sa pangkalahatan?
Sagot: Bismillah, wassalatu wassalamu ‘ala rasulillah, wa ‘ala alahi wassahbihi waba’d. Kapatid na nagtatanong sa pananaw ng Islam hinggil sa pagpili ng isang namumuno o kaya ay isang lider. Sa katotohanan ay isang mabigat at malaking usapin ang paksang ito, lalo na ngayon ay napapanahon ang eleksyon o halalan sa ating bansang Pilipinas. Subalit wala ring masama kung ito’y tatalakayin upang makapag-bigay linaw sa mga kapatid nating mambabasa, tungkol sa leadership sa Islam, gayon din kung ano ang katayuan natin sa pagpili ng sinumang dapat na mamuno.
Sa legal politics sa Islam, ay mayroong dalawang bantog na pamamaraan sa pagpili ng namumuno. Ang unang pamamaraan ay ang pagluluklok sa pamamagitan ng kataas-taasang pamunuan (Ta’een). Ang ikalawang pamamaraan ay ang pagpili sa pamamagitan lamang ng mga taong napag-ukulan (Ahlul hall wal aq’d). Mayroon ding ikatlong pamamaraan sang-ayon sa ibang mga pantas sa Islam, ito ay ang pagpili ng buong sambayanan sa pamamagitan ng halalan katulad ng ginagawa sa Pilipinas at ng iba pang bansa. Subalit sa lahat ng pamamaraan nito ay kinakailangan na mausisa ang mga sistema, lalung-lalo na itong ikatlong pamamaraan sa pamamagitan ng eleksyon o pagpili ng buong sambayanan, sapagkat nagkakaiba ang lahat ng mamamayan na pumipili o bumoboto sang-ayon sa kani-kanilang pananaw o pagka-matapat sa pagpili, kung kaya hindi tayo makasisiguro na ang mapili ay kung sino ang nararapat, mainam at mabuting pinuno o lider. Maa-aring isang taong kilala ng dahil sa kanyang angkan ang mahalal, subalit wala siyang digridad at hindi dapat na siya ang mamuno. Maa-ari ding isang taong nakilala sa kanyang kagalingan ang mapili, subalit hindi naman para sa pagiging lider. Maa-ari pa ring isang taong kilala sa kayamanan ang mapili sapagkat magagawa niya ang lahat ng pamamaraan para siya ang mapili o mahalal, subalit hindi naman siya karapat-dapat. At maa-ari pa ring isang tao na matatag ang pananampalataya o pagkatakot sa Diyos, subalit walang kakayahan na ibangon ang bansa at harapin ang mga suliranin o kaya ang malalaking problema ng bansa katulad ng kahirapan. Kung ito namang kahirapan ang ating pag-uusapan na ang pinag-uugatan ay mula sa corruption, kawalaan ng trabaho, gyera o pang-loob na digmaan, higit na pagpapayaman ng mga may kaya, pang-aapi sa mga mahihirap o sa walang kaya, diskriminasyon sa pagpapaupo sa anumang posisyon at iba pa.
Ang mabuting lider o pinuno ay kung sino ang makakapagbigay ng solusyon at labanan ang mga ito ng may katapatan sa puso, sa salita, at sa gawa. Isa pang kinakaharap natin ngayon ay ang matagalan at walang katapusang digmaan sa pagitan ng mga Muslim o mga Moro at ng mga hindi mga Muslim o ng ibat-ibang tribo sa Pilipinas. Ang hinahangad nating maging pinuno ay kung sinuman ang makapagbibigay ng kalutasan nito at maipag-kakaloob niya ang kanyang sakripisyo alang-alang sa katahimikan, siguridad, kapayapaan ng bansa at matagalan o manatiling solusyon ng problema. Siya rin ang lider o pinunong makapagbibigay at makapag-kakaloob ng pagkakataon sa lahat ng mamamayan anuman ang kanilang relihiyon, tribo at kasarian, sang-ayon sa kanilang kakayahan at kapangyarihan para sa ikabubuti ng komunidad, lipunan, bayan at maging sa pangkalahatan. Mabubuhay niya ang pagsasaliksik sa kaalaman o karunungan at labanan ang kamang-mangan, at mabubuhay din niya ang pagsisikap para sa kaunlaran. Ang mabuting pinuno o lider ay may kayang mapaunlad ang bansa sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga nakatagong kayamanan, at pangangalaga sa kalikasan sa dahilang napaka-lawak ng ating kalupaan na hindi napapakinabangan, gayun din ang kayamanan na hindi nadidiskubri o kaya ay hindi napakikinabangan ng marami.
Kaya sa kabuuan ang mabuting pinuno o lider ay dalisay, tapat, marunong, matapang, hindi makasarili, nagmamahal sa lahat at naghahangad ng kabutihan para sa mamamayan, at higit sa lahat ay hindi siya makasuporta o maging sanhi ng pagkakaroon ng pang-loob na digmaan o ang pagkawala ng katahimikan, siguridad at kapayapaan sa bansa. Ganyan ang namumuno o lider na dapat maihalal. Basahin natin ang babala ni Propeta Mohammad, sumakanya ang kapayapaan: “Kapag naibigay na ang kapangyarihan o pamumuno sa sinumang hindi nararapat, hintayin mo na ang Oras (ng pagka-gunaw)”. Kaya dapat maingat ang mga mambabatas sa sistema at ang mga mamamayan sa pagpili para mapalayo ang marami mula sa kasamaan, kapahamakan at pagkawasak ng lipunan o bayan.
Ang Allah lamang ang higit na nakakaalam.