Bismillǎh, Alḥamdulillǎh, Waṣṣalaatu Wassalaamu ‘Alaa Rasoolillǎh…
Ang Islām ay mayroong limang haligi na kung saan ay kailangang malaman ng bawat Muslima lalaki man o babae. Narito ang limang haligi ng Islām:
- Shahādatayn – pagsasaksi sa kaisahan ng Allǎh, at pagsasaksi sa pagka-Propeta ni Muḥammad.
- Ṣalāh – pagdarasal ng limang beses sa loob ng isang araw.
- Zakāh – pagbibigay ng katungkulang kawang-gawa.
- Ṣawm – pag-aayuno sa buwan ng Ramaḍān.
- Ḥajj – paglalakbay sa Makkah na may kasamang layunin hinggil dito.
Ayon kay Omar (kalugdan siya g Allǎh) kanyang sinabi: Isang araw habang kami ay nakaupo kasama ang Sugo ng Allǎh na si Muḥammad (صلى الله عليه وسلم) ay lumitaw sa aming harapan ang isang lalaking nakasuot ng napakaputing damit at ang buhok ay napakaitim, walang nakikita sa kanya na bakas ng paglalakbay, at walang nakakakilala sa kanya kahit isa sa amin, hanggang sa siya ay umupo sa harapan ng Propeta, at itinumbok niya ang kanyang dalawang tuhod sa dalawang tuhod ng Propeta, at ipinatong niya ang kanyang dalawang palad sa dalawang hita ng Propeta at kanyang sinabi: O Muḥammad! Sabihin mo sa akin ang tungkol sa Islām?
Sinabi ng Sugo ng Allǎh: “Ang Islām ay ang iyong pagsasaksi na walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allǎh at si Muḥammad ay Sugo ng Allǎh, at ang iyong pagsasagawa ng Ṣalāh (pagdarasal), at ang iyong pagbibigay ng Zakāt (katungkulang kawang-gawa), at ang iyong pag-aayuno sa buwan ng Ramaḍān, at ang iyong pagsasagawa ng Ḥajj kung sakaling ito ay kaya mo.” Kanyang sinabi: Tama ka. At kami ay nagulat sa kanya dahil sa siya ay nagtatanong subalit nagsasabi na tama ang Propeta…
Tingnan natin ang karugtong ng Ḥadeeth na ito sa paksang Mga Haligi ng Eemān o pananampalataya.