Aِng literal na kahulugan ng Zakāh (Zakāt) ay paglago at kalinisan o kaya’y kadalisayan, ngunit sa Islamikong pakahulugan, ang Zakāh ay isang katungkulang kawang-gawa na kung saan ay ibinibigay sa mga taong nararapat na bigyan nito tulad ng mga kapuspalad, mahihirap at iba pa batay sa itinakdang halaga ng kayamanan. Ito ay ipinag-utos ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) noong ikadalawang taon ng Hijrah o kaya’y pag-ibakwit ni Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) mula sa Makkah tungo sa Madeenah. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
وَأَقِيمُوا الصَّلاةَ وَآتُوا الزَّكَاةَ. سورة البقرة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At inyong isagawa ang Ṣalāh (pagdarasal) at magbigay kayo ng Zakāh.” (Al-Baqarah 2:43)
Ang Zakāh ay isang gawaing pagsamba sa Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā). Ito ay ikatlo sa mga haligi ng Islām na kung saan ay dapat kuhanin mula sa mga mayayaman upang ang kanilang mga sarili ay magiging dalisay laban sa kasakiman at karamutan. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
خُذْ مِنْ أَمْوَالِهِمْ صَدَقَةً تُطَهِّرُهُمْ وَتُزَكِّيهِمْ بِهَا. سورة التوبة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Kunin mo (O Muḥammad!) ang kawang-gawa mula sa kanilang kayamanan upang sila ay mapadalisay nito at ito ay lalo pang lumago.” (At-Tawbah 9:103)
Kung ang lahat ng mga mayayaman ay magbibigay ng Zakāh, bagama’t mababawasan ang hapding dinadanas ng mga mahihirap sanhi ng kawalang hanap-buhay, magiging matatag ang mga bigkis ng pagmamahalan sa pagitan ng mga mayayaman at mga mahihirap sapagkat ang tao ay nilikhang may kalikasang mahalin ang sinumang nagmamagandang-loob sa kanila, ang mga mahihirap ay mawawala sa kanilang puso ang inggit o selos dahil sa ang mga mayayaman ay nakakasuporta sa kanila.