Bismillah, Alhamdulillah
Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang hajj ay ang pagdalaw sa banal na lugar sa Makkah upang bigyang-alaala ang matibay na paniniwala sa kaisahan ng AllAh (SWT). Ito ay ikalimang haligi ng Islām na kung saan ay tungkulin ng sinumang Muslim na may kakayahang tustusan ang kanyang paglalakbay upang isagawa ang hajj. Ito ay isang paglalarawan ng kahalagahan ng Islām sa pamamagitan ng mahigpit na pagtalikod sa lahat ng uri ng pagtatambal sa Allah (SWT). Ito ay isang pagpapatunay sa pangkalahatan ng Islām at sa pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay ng mga Muslim.
Sa panahon ng hajj ay ang lahat ng panalangin ay isinasagawa para lamang sa Allah (SWT), at ang lahat ng mga pook na pinupuntahan ng mga nagsasagawa ng hajj ay makasaysayang nauukol sa pagsamba lamang sa nag-iisang tunay na Diyos, ang Allah (SWT).
Kabilang sa mahalagang kasaysayan ay ang pagsakripisyo ni Propeta Abraham sa kanyang anak na si Ismael Àlayhimas Salām (sumakanilang dalawa ang kapayapaan).