Bismillah, Alhamdulillah
Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Hindi lingid sa ating kaalaman na ang pagsasagawa ng hajj ay isang itinakdang tungkulin ng bawat Muslim na may kakayahang gumugol sa paglalakbay. Sabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
وَلِلَّهِ عَلَى النَّاسِ حِجُّ الْبَيْتِ مَنِ اسْتَطَاعَ إِلَيْهِ سَبِيلا. سورة آل عمران
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Ang hajj sa Tahanan (Ka’bah) ay isang tungkulin ng sangkatauhan para sa Allah, sa sinumang may kakayahang gumugol…” (Al-Emrān 3:97)
Narito ang ilan sa mga hadeeth ng Propeta na kung saan ay kabilang sa kahalagahan ng pagsasagawa ng hajj. Ayon kay Abu Hurayrah (kalugdan siya ng Allah) kanyang sinabi: Itinanong kay Propeta Muhammad (SAW) kung ano ang pinakamainan na gawain? Sinabi niya: “Ang pananampalataya sa Allah at sa Kanyang Sugo” may nagsabi: Pagkatapos ay ano pa? Sinabi niya: “Ang Jihād alang-alan sa landas ng Allah” may nagsabi: Pagkatapos ay ano pa? Sinabi niya: “Hajj Mabroor.” Napagkasunduan ang hadeeth na ito nina Al-Bukhāri at Muslim, Tingnan ang Sharh Riyādus Sāliheen, Hadeeth 3/1273, Ikatlong Bahagi, Pahina 406.
Ang ibig sabihin ng Hajj Mabroor ay ang Hajj na tinatangap sa Allah (SWT) dahil sa katapatan ng taong nagsasagawa nito.
Ayon kay Abū Hurayrah (kalugdan siya ng Allah) kanyang sinabi: Narinig ko ang Sugo ng Allah na nagsasabi: “Sinumang magsagawa ng hajj na siya ay umiiwas mula sa mga masamang pagnanasa at masamang kilos, siya ay umuwi (bumalik sa kanyang lugar ng napakalinis) katulad ng araw na ipinanganak ng kanyang Ina (katulad ng bagong panganak).” Napagkasunduan ang hadeeth na ito nina Al-Bukhāri at Muslim, Tingnan ang Sharh Riyādus Sāliheen, Hadeeth 4/1274, Ikatlong Bahagi, Pahina 406.