Hindi na bago sa ating kaalaman na ang mga kabataan sa ngayon ay nalilihis ng landas. Marami sa mga kabataan sa ngayon ang nakikita natin sa ating lipunan o marami ang nagsilipanang mga kabataan na nakikita natin na nalololong sa mga masasamang bisyo kabilang na dito ang paggamit ng bawal na gamot. Minsan pa ay nasasangkot sila sa mga krimen tulad ng pagnanakaw, panghoholdap, at minsan ay nagagawa na rin nilang manghalay ng mga kababaihan.
Bakit nga ba sila naliligaw o nalilihis ng landas? Ano-ano ang kanilang mga dahilan? Karamihan sa kanilang mga dahilan ay ang kahirapatan. Ang ibang dahilan naman ay dahil sa kapabayaan ng kani-kanilang mga magulang, kakulanagan ng atensiyon. Ang iba naman ay dahil na rin sa katigasan ng ulo at minsan ay ang pagkakaroon ng kaibigan na nagyayaya sa kanila sa maling landas. Minsan pa ay sa maling pagpapalaki ng kani-kanilang mga magulang, andoon na iyong lumalaki sila sa layaw, lahat ng naisin nila ay ibinibigay sa kanila. Isa pang malaking pagkakamali ng mga magulang ay ang pag kunsinti sa kanilang mga anak sa kanilang mga pagkakamali na siyang dahilan kung bakit malakas ang kanilang mga loob na gumawa ng hindi maganda na nakakasira sa ating lipunan, kung kaya’t minsan ay hindi rin masisisi ang mga kabataan kung bakit sila nalilihis ng landas.
Ang mga kabataan sa ngayon ay nawawalan na ng respeto sa kanilang mga magulang at higit sa lahat sa kanilang mga sarili sapagkat hindi na nila pinahahalagahan ang kanilang mga magulang at ang kanilang mga sarili. Nagiging mapusok na sila at suwail. Kung ano ang kanilang gusto ay iyon ang masusunod at hindi ang kanilang mga magulang. Napakasakit isipin na ang mga kabataan sa ngayon ay hindi na nila pinahahalagahan ang kanilang mga magulang. Wala ng saysay para sa kanila ang hirap, pagod at sakripisyo ng kanilang mga magulang.
Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “O kayong mga nananampalataya! Iadya (iligtas) ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga pamilya sa apoy (impiyerno) na ang panggatong nito ay mga tao at bato…” (66:6).
Paano nga ba manunumbalik ang sigla ng pagpapahalaga sa dignidad ng pagkatao, dangal ng prinsipyo, pananampalataya at respeto sa kapwa lalo na sa mga magulang. Paano nga ba maiiwasan ng mga kabataan ang malihis ng landas? Kailangan nila ng atensiyon ng kanilang mga magulang, turuan sila ng magagandang asal at higit sa lahat ay ang pagkatakot sa Allah (SWT).
Bilang mga magulang ay karapatan ng mga kabataan na mabigyan sila ng atensiyon, pagkalinga at pagmamahal.
Mula sa panulat ni Sohidra Lozada.