Bismillǎh, Alḥamdulillǎh, Waṣṣalaatu Wassalaamu ‘Alaa Rasoolillǎh…
Ang Islām ay ang pagtalima, pagsunod at pagpapasakop sa nag-iisang tunay na Diyos, at pagtakwil sa anumang uri ng pagtatambal sa Kanya. Ito ay galing sa salitang arabik na salām, na ang kahulugan nito ay kapayapaan.
Ang Islām ay hindi katulad ng ibang mga relihiyon na nanggaling sa pangalan ng tao, tribo o lugar, tulad halimbawa ng relihiyong Buddismo, Judaismo, Hinduismo at Kristianismo.
- Buddismo – galing sa pangalan ng tao na si Budha.
- Judaismo – galing sa pangalan ng tribong Judah o kaya ay Hudio.
- Hinduismo – galing sa pangalan ng lugar sa India.
- Kristianismo – hango sa salitang Griyego na Cristo o kaya ay Cristos. Sa Hebreo ay Messiah, at sa Arabik naman ay Maseeḥ siyang katawagan kay Propeta Hesus sumakanya ang kapayapaan.
Ang Islām ay hindi itinatag ni Propeta Muḥammad (صلى الله عليه وسلم) kaya hindi maaaring itawag sa relihiyong Islām o sa mga Muslim ang katawagang Muhammadism, Muhammadismo o Mohamedanismo, sapagkat si Propeta Muḥammad (صلى الله عليه وسلم) ay tao lamang bagkus tagapaghatid ng salita ng nag-iisang tunay na Diyos para sa sangkatauhan. At ang nag-iisang tunay na Diyos ang Siyang nagtatag ng relihiyong Islām. Sinabi ng Allǎh (سبحانه وتعالى) sa banal na Qur’ân:
شَرَعَ لَكُم مِّنَ الدِّينِ مَا وَصَّى بِهِ نُوحاً وَالَّذِي أَوْحَيْنَآ إِلَيْكَ وَمَا وَصَّيْنَا بِهِ إِبْرَاهِيمَ وَمُوسَى وَعِيسَى أَنْ أَقِيمُواْ الدِّينَ وَلاَ تَتَفَرَّقُواْ فِيهِ. سورة الشورى
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Itinatag (o itinakda) ng Allǎh para sa inyo ang relihiyon (Islām) na siyang iniatas kay Noah, at siyang ipinahayag Namin sa iyo (O Muḥammad), at siyang iniatas Namin kay Abraham, kay Moises at kay Hesus, na inyong itatag (o isagawa) ang relihiyong ito at huwag kayong magkakabaha-bahagi (o magkakaiba-iba) rito.” (42:13).