Ang literal na kahulugan ng Ḥadeeth (o Ḥadith) ay ang pagtatalakayan o kaya’y kasabihan. Subalit sa Islamikong pakahulugan, ang Ḥadeeth ay anumang nakasaad kay Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) sa pamamagitan ng salita, gawa, pahintulot o kaya’y katangian ng kanyang pagkatao at pag-uugali. Ito ay nagpapaliwanag din sa kahulugan ng banal na Qur’ân.
Isa sa kinakailangang bigyang pansing mabuti ng sinumang nagpapahayag ng anumang Ḥadeeth ni Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) na seguraduhing ang Ḥadeeth na kanyang ipinapahayag ay tama, hindi yong kani-kanino lang naririnig o saan-saan lang nababasa at ikakalat na agad sapagkat maaaring hindi totoo o kaya’y nagkamali ang pinanggalingan nito. Basahin ang mga awtentibong mga aklat hinggil sa mga Ḥadeeth ng Propeta dahil ang sinumang sadyang magsinungaling laban kay Propeta ay pinaghahandaan niya ang kanyang sarili ng magiging upuan sa Impiyerno pagdating sa araw ng paghuhukom. Ayon sa naisalaysay na Ḥadeeth: sinabi ni Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): “Sinumang nagsisinungaling laban sa akin nang sinasadya ay naghahanda siya ng kanyang upuan mula sa Impiyerno.”
Isa sa natatanging paraan upang ating maisakatuparan ang pagsunod sa mga kautusan ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) ay ang mapag-aralan ang mga Ḥadeeth ng Propeta at maisabuhay ang mga ito.