Isang kasaysayan tungkol sa dalawang babae na nag-aaway sa kapanahunan ng mag-amang Propeta na sina Propeta Dāwood (David) at Propeta Sulaymān (Solomon) Àlayhimas Salām (Sumakanilang dalawa ang kapayapaan).
Mayroong dalawang babae na naglalakbay at ang bawat isa sa kanila ay may kasamang anak, biglang may dumating na mabangis na hayop at kinain nito ang isa sa kanilang anak. Hindi matanggap ng bawat isa sa kanila na mawawalan ng anak kaya sinabi ng isa sa kanyang kasama: ang kinain ng hayop ay yong anak mo, at sinagot naman ng isa: subalit ang kinain ng hayop ay yong anak mo hindi ang anak ko, kaya nagtatalo na silang dalawa at pinag-aawayan nila ang natitirang bata hanggang sa dumating sila kay Dāwood Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) upang ayusin silang dalawa, pagkatapos nilang maisalaysay ang pangyayari ay pinag-aralan mabuti ni Dāwood Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) kung kaninong anak ang bata hanggang sa napagpasyahan niya na ang bata ay anak ng nakakatanda sa dalawang babae – bagaman mas maganda ang paliwanag ng nakakatanda kaysa sa nakakabata kaya ibinigay ito sa kanya – tuwang-tuwa naman ang babaeng ito samantalang ang isa naman ay lubhang nalulungkot at tumatagaktak na ang luha nito sa kaiiyak.
Lumabas na silang dalawa ngunit hindi parin natigil ang kanilang away dahil ang nakakabata ay hinding-hindi niya ibibigay ang kanyang anak hanggang sa dumating pa sila kay Sulaymān Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) at isinalaysay naman nila ang pangyayari, napansin ni Sulaymān Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) na wala ng tigil ang kanilang pagtatalo kaya pinag-utusan niya ang kanyang mga kasamahan na bigyan siya ng kutsilyo, agad-agad naman naiabot sa kanya ng kanyang mga kasamahan ang kutsilyo at ng hawak na niya ito ay kinuha niya ang bata na para bagang galit na galit at sinabi niya na tatadtarin ko ang batang ito sa harapan ninyo mismo! Tumahimik nalang ang babaeng nakakatanda samantalang ang nakakabata naman ay ng mapansin niya na seryuso si Sulaymān Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) sa kanyang gagawin ay biglang sumigaw: huwag mong gawin, huwag mong patayin ang batang ‘yan, kaawaan ka ng Allǎh, ang batang ‘yan ay anak niya, anak ng babaeng nakakatanda… Kaya dahil dito ay nagpasya si Sulaymān Àlayhis Salām (sumakanya ang kapayapaan) at ibinigay niya ang bata sa babaeng nakakabata na sumisigaw na huwag patayin ang bata.
Ang kasaysayan na ito ay isinalin sa wikang tagalog ni Mojahid Gumander mula sa Aklat na Daleelus Sāileen.