Pauli-ulit na po ang kalamidad, kapahamakan, malaking hirap, matinding tiisin sa ating bansa sa Pilipinas tulad ng digmaan na kung saan marami ng nasawi o nagbuwis ng buhay na mga kababayan natin maging Muslim man o Kristiyano, katiwalian na kung saan marami ng salapi ang nawala sa mga mamayanang Filipino, at higit sa lahat ay ang bagyo na kung saan marami ng napipinsala nito lalo na ang Typhoon Yolanda (Haiyan) na dumating sa Pilipinas kamakailan. Naku po! Dahil sa subrang lakas ng bagyong ito ay libu-libong mga kababayan natin na naging victims, nawalan ng mga buhay, mga pamilya, mga kamag-anak, mga kaibigan, mga bahay halos lahat ay nasira, at ang mga nakaligtas naman ay dumating sa punto na namamalimos na ang mga bata para lang makakain… Subhāna-Allǎh!!!
Mayroong ilan sa mga dahilan ng kalamidad, trahedya o anumang matinding pagsubok na dumarating sa mga tao, at sana’y bigyan natin ng malalim na pang-una ang mga ito:
Unang dahilan: Fitnah – ito ay kagipitan o kaya’y matinding pangyayari upang maging lantad ang mga tao kung sino sakanila ang matatapat at hindi matatapat. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
أَحَسِبَ النَّاسُ أَنْ يُتْرَكُوا أَنْ يَقُولُوا آمَنَّا وَهُمْ لا يُفْتَنُونَ. وَلَقَدْ فَتَنَّا الَّذِينَ مِنْ قَبْلِهِمْ فَلَيَعْلَمَنَّ الله الَّذِينَ صَدَقُوا وَلَيَعْلَمَنَّ الْكَاذِبِينَ.
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Inaakala ba ng sangkatauhan na sila ay hahayaan sapagkat sila ay nagsasabing kami ay sumampalataya, at sila ay hindi na bibigyan ng kagipitan (o pagsubok) At katotohanang Aming binigyan ng kagipitan (o pagsubok) ang mga (taong) nauna sa kanila, at katiyakan na ang Allǎh ay gagawa upang maging lantad ang mga matatapat at katiyakan na Siya ay gagawa upang maging lantad ang mga sinungaling.” (Sūrah Al-Ànkaboot 29: 2-3)
وَاتَّقُوا فِتْنَةً لا تُصِيبَنَّ الَّذِينَ ظَلَمُوا مِنْكُمْ خَاصَّةً وَاعْلَمُوا أَنَّ الله شَدِيدُ الْعِقَابِ.
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katakutan ninyo ang Fitnah (pagsubok o kagipitan) na hindi lamang tumatama sa mga gumagawa ng kabuktutan (o kasamaan), at inyong alamin na ang Allǎh ay mahigpit sa kaparusahan.” (Sūrah Al-Anfāl 8:25)
Ikalawang dahilan: Imtiḥān – ito ay bilang eksaminasyon, pagsusuri o kaya’y pagsubok lamang sa mga tao lalung-lalo na sa mga may pananampalataya. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
وَلَنَبْلُوَنَّكُمْ بِشَيْءٍ مِنَ الْخَوْفِ وَالْجُوعِ وَنَقْصٍ مِنَ الأمْوَالِ وَالأنْفُسِ وَالثَّمَرَاتِ وَبَشِّرِ الصَّابِرِينَ. الَّذِينَ إِذَا أَصَابَتْهُمْ مُصِيبَةٌ قَالُوا إِنَّا لِلَّهِ وَإِنَّا إِلَيْهِ رَاجِعُونَ. أُولَئِكَ عَلَيْهِمْ صَلَوَاتٌ مِنْ رَبِّهِمْ وَرَحْمَةٌ وَأُولَئِكَ هُمُ الْمُهْتَدُونَ.
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At katiyakang kayo ay Aming bibigyan ng pagsubok sa mga bagay na tulad ng pangamba (o pagkatakot), at pagkagutom, at pagkawala ng kayamanan, at ng mga buhay, at ng mga bungangkahoy, datapuwa’t magbigay ng magandang balita sa mga mapagtiis (o nagtitiis). Na kapag dumating sa kanila ang isang kapinsalaan (o pagsubok) sila ay nagsasabi: katotohanang kami ay pag-aankin ng Allǎh at katotohanang sa Kanya kami magbabalik. Sila yaong mga tumatanggap ng Ṣalawāt (kapatawaran) at awa (o habag) mula sa kanilang Panginoon (Allǎh), at sila yaong mga tunay na napapatnubayan.” (Sūrah Al-Baqarah 2:155-157)
Ikatlong dahilan: Qaḍā wal Qadr – ito ay Kapalaran at Tadhana na kung saan ang lahat ng mga pangyayari ay nagmumula sa Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā), ang nag-iisang tunay na Diyos na tagapaglikha. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
الله الَّذِي خَلَقَ سَبْعَ سَمَاوَاتٍ وَمِنَ الأرْضِ مِثْلَهُنَّ يَتَنَزَّلُ الأمْرُ بَيْنَهُنَّ لِتَعْلَمُوا أَنَّ الله عَلَى كُلِّ شَيْءٍ قَدِيرٌ وَأَنَّ الله قَدْ أَحَاطَ بِكُلِّ شَيْءٍ عِلْمًا.
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Ang Allǎh ay lumikha ng pitong kalangitan at ng kalupaan ay gayon din (pito); bumababa ang Kanyang pag-uutos sa pagitan nila (ng langit at lupa), upang inyong mapag-alaman na ang Allǎh ang may (higit na) makapangyarihan sa lahat ng bagay at ang Allǎh ang (tanging) nakakaalam sa lahat ng bagay.” (Sūrah Aṭ-Ṭalāq 65: 12)
Mga kapatid, yakapin natin ang Islām ng buong puso’t katapatan, tatagan natin ang ating pananampalataya, huwag natin sisihin ang panahon, tayo’y magbalilk-loob sa tagapaglikha na walang iba kundi ang Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) at maghihingi sa Kanya ng kapatawaran. Nawa’y iligtas tayo ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa mga pagsubok na di natin makakayanan.