Bago pa dumating sa Pilipinas ang iba’t-ibang aral tungkol sa pananampalataya, likas na sa ating mga ninunong Pilipino ang sumamba sa Diyos. Bagama’t ito ay hindi ayon sa katotohanan, sapagkat sila ay maibibilang sa tinatawag na “ANIMIST” o mga taong sumasamba sa lahat na halos ng mga bagay na nilika maliban sa Dakilang Lumikha.
Ang sinsamba ng ating mga ninuno noon ay bundok, araw, buwan, bituin, puno, kidlat, kulog, apoy atbp. Ngunit nang dumating ang aral ng Islam ang tunay na Relihiyong galing sa Allah, nagkaroon ng ganap na pagbabago sa kanilang buhay at Relihiyon. Naitatag nila ang isang pamayanang Muslim ngunit ito’y hindi nagtagal. Nang dumating ang mga dayuhang kastila sa bansang Pilipinas sinakop nila ito at pinilit nilang palitan ang Relihiyong Islam sa pamamagitan ng dulo ng Espada.
Ang Relihiyong Islam ay unang inihayag sa Pilipinas noong 1380 ng isang Arabo na si Sharif Makhdum, itinayo niya ang unang Masjid sa Pilipinas sa Tubig Indangan, Sumunul, Tawi-Tawi. Si Makhdum ay namatay sa Isla ng Sibutu at doon na rin siya inilibing.
Noong 1390, si Rajah Baginda ay dumating sa bansang Pilipinas at itinuloy niya ang naiwang gawain ni Sharif Makhdum. Ganoon di naman, dumating din si Abu Bakr sa Jolo noong 1450 at di naglaon siya ay ikinasal sa anak ni Rajah Baginda na si Prinsesa Paramisuli. Si Abu Bakr ang nagpasimula ng Sultanate sa Sulu at siya at ang kanyang asawa ang siyang kauna-unahang Sultan at Sultana.
Matapos maitatag ang Relihiyong Islam sa Sulu, ang mga Muslim ay kumilos patungong Mindanao sa pamumuno ni Sharif Kabunsuan. Sila ay dumaong sa Maguindanao (ngayon ay Cotabato) noong 1475, at di naglaon siya ay ikinasal kay Prinsesa Tunina. Sila ang unang Sultan at Sultana sa Maguindanao.
Nang sumunod na mga taon, maraming Muslim na mga Datu mula sa Borneo ang dumating sa Pilipinas nang mabalitaan nila ang mabuting pagtanggap ng mga tao sa Pilipinas.
Dumating sa bansang Pilipinas ang sampung Datu at sila ay dumaong sa Panay. Ang mga Datung ito ay sina Datu Puti, Sumakwel, Bangkaya, Dumangsol, Paiburong, Padhuhinog, Ubay, Dumangsil, Dumaloglog, at Balensula (ngayon ay Valenzuela).
Si Datu Puti ang pinuno ng pangkat na ito sapagkat bihasa siya sa paglalakbay-dagat. Sila ay dumaong sa San Joaquin, IloIlo (noong araw ay kilala sa tawag na Siwaragan). Si Datu Puti at ang kanyang mga kasama ay binili ang mababang IloIlo kay Marikudo ang pinuno ng mga Itas (pygmies) at naitatag nilang ganap ang kolonya o komunidad ng Islam doon. Nang ang komunidad Islam ng mga taga Borneo ay ganap ng naitatag ng Panay, si Datu Puti, Datu Balensula at Datu Dumangsil ay naglayag patungong Norte at sila’y dumaong sa Batangas.
Itinatag ni Datu Balensula at Datu Dumangsil ang kanilang komunidad doon sa Batangas subalit si Datu Puti ay nagbalik sa Borneo at bumagtas sa Mindoro at Palawan. Nang sumapit siya sa Borneo ay ibinalita niya ang kanilang naging karanasan. Bunga nito higit na marami pang mga taga Borneo ang naakit na magpunta sa Pilipinas. (Sinipi mula sa Aklat na Magbalik Islam)