Ang araw ng Ȁshoorā ay ang ikasampung araw ng buwan ng Muḥarram. Ang Muḥarram ay ang unang buwan ng Hijri o Kalendaryong Islamiko. Ito yong araw ng pagtagumpay ni Propeta Moises (Àlayhis Salām) laban kay Paraon (Fir-àwn ang tawag sa kanya sa arabik) sapagkat ayon sa kasaysayan ay sa araw ng Ȁshoorā ang pagkalunod ni Paraon sa dagat kasama ang kanyang mga alagad. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
وَإِذْ فَرَقْنَا بِكُمُ الْبَحْرَ فَأَنْجَيْنَاكُمْ وَأَغْرَقْنَا آلَ فِرْعَوْنَ وَأَنْتُمْ تَنْظُرُونَ
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At alalahanin nang Aming hinati ang dagat sa inyo at iniligtas kayo, at Aming nilunod ang mga tao ni Paraon habang kayo ay nakatingin.” (Surah Al-Baqarah 2:50)
فاليوم ننجيك ببدنك لتكون لمن خلفك آية
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Datapuwa’t sa araw na ito ay Aming pananatilihin ang iyong katawan upang ikaw ay maging isang tanda sa mga tao na susunod sa iyo…” (Surah Yunus 10:92)
Kaya sa araw ng Ȁshoorā ay nag-ayuno si Propeta Moises (Àlayhis Salām) bilang pasasalamat sa Allǎh (Subānahu wa Taȁlā), ang nag-iisang tunay na Diyos na tagapaglikha. At sa kapanahunan ni Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) noong siya ay dumating sa Madeenah ay nakita niya ang mga tao sa Madeenah na nag-aayuno, at dahil dito ay nag-ayuno din siya hanggang sa ipinag-utos niya ang pag-aayuno sa araw na ito. Ayon kay Ibnu Àbbās (Raḍi-Allǎhu Ànhu), “katotohanang si Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) ay nag-ayuno sa araw ng Ȁshoorā, at ipinag-utos niya ang pag-ayauno sa araw na ito.” Napagkasundua ang Ḥadeeth na ito nina Al-Bukhāri at Muslim.
Kanais-nais sa mga Muslim ang pag-aayuno sa araw ng Ȁshoorā, ang ikasampung araw ng Muḥarram bilang pasasalamat sa Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) at upang matamo ang gantimpala na Kanyang ipagkakaloob. Ang gantimpalata ng pag-aayuno sa araw ng Ȁshoorā ay mabubura ang isang taon na naunang kasalanan yaong hindi mga mortal na kasalanan. Ayon kay Qatādah (Raḍi-Allǎhu Ànhu) kanyang sinabi: katotohanang ang Sugo ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) ay tinanong ukol sa pag-aayuno sa araw ng Ȁshoorā? At sinabi niya: “Binubura nito ang isang taon na naunang kasalanan.” Iniulat ang Ḥadeeth na ito ni Muslim.
Subalit ayon sa mga Pantas sa Islām ay kung mag-ayuno ang sinumang Muslim sa araw ng Ȁshoorā ay mas mainam na pag-ayunuhan din niya ang araw ng Tâsooȁ, ang ikasiyam na araw ng buwan ng Muḥarram.