Puno ng buhay, maaliwalas na kapaligiran at puno ng pag-asa, ganyan mailalarawan ang taong positibo ang pananaw sa buhay. Karamihan sa mga nagtatagumpay ay ang mga positibong tao na puno ng pag-asa at hindi basta basta sumusuko.
Ang taong positibo ay matatag at malakas ang loob na maituturing sapagkat siya ay laging handang masaktan, tumanggap ng pagkatalo at pagkabigo sa anumang kanyang adhikain. Madali siyang bumabangon mula sa pagkalugmok dahil puno siya ng pag-asa .
Ang pag-iisip ng mga positibong bagay ay parang elemento na sumasabay sa kilos at gawa. Ang pagiging positibo sa paniniwala, pamamaraan at kilos ay nagdudulot ng kalinisan ng puso at katiwasayan ng pag-iisip. Nagiging makulay parin ang buhay kahit panahon man ay tag-ulan at tag-araw.
Mahalaga rin ang pagkakaroon ng kaibigan at kapamilya na positibo ang pag-iisip sapagkat inaakay niya tayo sa mga positibong bagay tulad lamang ng kung paano pa natin mas mapapabuti pa o mapapalawak ang ating mga hangarin at pinagkakaabalahang hanapbuhay. Mayroong nagbibigay sa atin ng mga payo at ideyang nakakagaan ng loob na parang gustong gusto nating makamit araw-araw na nakangiti at puno ng saya.
Payong kapatid, upang maging matagumpay, ang pagiging positibo ay hindi binabasi sa kapalaran o swerte-swerte lamang dahil tayo mismo ang kumikilos nito mula sa idinidikta ng ating isipan kasmaa ng puso at siyang kinikilos ng ating katawan.
Mapalad na katangian ang pagiging positibo dahil ito’y inspirasyon na humihikayat sa ibang tao na patuloy na nanganagarap dahil walang imposible kung ito’y ipapahintulot ng Allah (SWT).
By: Aisha Ismael