Ang poligamiya ay ang pag-aasawa ng higit sa isa. Ito ay ipinahihintulot sa Islâm para sa sinumang lalaking may kakayahan, ngunit may limitasyon ang bilang na hindi sumobra ng apat na mga babae na pagsabayin sa isang panahon. Sabi ng Allǎh (Subⱨânahu wa Taȁlâ) sa banal na Qur’ân:
وَإِنْ خِفْتُمْ أَلاَّ تُقْسِطُواْ فِي الْيَتَامَى فَانكِحُواْ مَا طَابَ لَكُم مِّنَ النِّسَآءِ مَثْنَى وَثُلاَثَ وَرُبَاعَ فَإِنْ خِفْتُمْ أَلاَّ تَعْدِلُواْ فَوَاحِدَةً أَوْ مَا مَلَكَتْ أَيْمَانُكُمْ ذَلِكَ أَدْنَى أَلاَّ تَعُولُواْ. النساء
Ayon sa kahulugan ng talatang ito:
At kung kayo ay nangangamba na hindi kayo maging makatarungan sa mga (babaeng) ulila, ay magpakasal kayo ng sinumang inyong kinalulugdan mula sa mga kababaihan (maliban sa mga babaeng ulila) dalawa, o tatlo, o apat; at kung kayo ay nangangamba na hindi kayo maging makatarungan (sa kanila) ay (mag-asawa kayo ng) isa lamang o di kaya’y ang angkin ng inyong mga kanang kamay (mga alipin), ito ang pinakamalapit upang kayo ay hindi makapang-api. (An-Nisâ 4:3)
Sa isang naisalaysay na Ⱨadeeth, katotohanang sinabi ni Propeta Muⱨammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam) kay Gheelaan na anak ni Umayyah Ath-Thaqafiy (Raḍi-Allǎhu ànhu) nang siya ay yumakap sa Islâm at napapasailalim niya ang sampung mga babae: ((Pumili ka sa kanila (mga babae) ng apat at hiwalayan mo ang mga natira sa kanila)) Iniulat ni Imâm Mâlik (Raⱨimahu-Allǎh). Tingnan ang Fiqhol Mar-ah, Pahina 440.