Napakasarap mabuhay sabi nila, sabi natin pero hanggang saan o hanggang kailan? Iba’t iba ang pananaw at paniniwala ng bawat relihiyon sa aspeto ng buhay. Ang iba ay inaakala na pagkatapos mamuhay dito sa Mundo ay wala ng inaasahang pamumuhay sa kabilang buhay kung kaya’t sinusulit ang oras at kayamanan upang mag-aliw at sulitin kung anumang meron sila.
Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “At katotohanan ang kabilang buhay ay higit na mainam sa iyo kaysa sa kasalukuyang buhay (ng mundong ito).” (93:4)
Nakakapanibugho para sa ating mga kapatid na hindi pa nahahatak sa tamang landas dahil malaking panghihinayang ang di pagpapahalaga sa ating hiram na buhay kung atin po lamang susuriing mabuti, buksan ang puso’t isipan sa katotohanan at ating mababatid na tayong nilikha at nabubuhay na may dahilan at isa na rito ang pinakamahalagang pagsusulit na kailangan nating ipasa na maging matagumpay hindi lamang dito sa Mundo kundi pati na rin sa kabilang buhay at upang ating makamit ito, kailangan nating i-balance ang pamumuhay na makamundong bagay at buhay.
Subalit sa paniniwala ng relihiyong Islam ay sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “At ang buhay sa mundong ito ay wala ng iba kundi isang paglalaro lamang at paglilibang.” (6:32)
Hindi po kalabisang mamuhay ng pasimpleng (pamumuhay) pag-aaliw kasama ang ating pamilya o mga kaibigan kung ito’y naaayon naman sa mga kaaya-ayang samahan. Ngunit ating tandaan na tayo’y naninirahan lamang po ng panandalian dito sa mundong ibabaw. Huwag po sana nating kaligtaan ang dahilan kung bakit tayo nilikha ng Tagapaglikha upang ating sambahin Siya at gawin nating sulit iyong panahon natin dito sa Mundo na makapagbaon ng sapat na mabuting gawain upang tayo’y hilain nito sa pinakamimithing Paraiso.
By: Aisha Ismael