Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT), Siya lamang ang karapat-dapat nating purihin, Siya lamang ang hinihingian natin ng tulong, tayo’y magpapakopkop sa Allah (SWT) laban sa kasamaan ng ating mga sarili at laban sa kasamaan n gating mga gawain, ang sinuman ang patnubayan ng Allah (SWT) ay walang makakaligaw sa kanya at ang sinuman ang tatanggi mula sa patnubay ng Allah (SWT) ay walang makakapatnubay sa kanya.
Ang pananampalataya sa mga Aklat, Rebelasyo o kasulatan ay ang lubos na pagpapatunay na ang Allah (SWT) ay mayroong mga Aklat na ipinababa o ibinigay sa Kanyang mga Propeta at Sugo. Ang pinakahuling Aklat ay ang Banal na Qur’an, ito ay ipinahayag sa huling Propeta na si Muhammad (SAW). Ang Banal na Qur’an ay salita ng Allah (SWT) at ginawaan ng Allah (SWT) ng sariling katangian na wala sa mga naunang Aklat na ibinigay sa mga naunang Propeta at Sugo.
Ang mga Aklat na ipinababa ng Allah (SWT) sa Kanyang mga Propeta at Sugo ay para sa kabutihan ng nilalang upang mapatnubayan sila ng tamang landas at upang makamtan nila ang tunay na kasiyahan dito sa Mundo hanggang sa kabilang buhay.
Ang pananampalataya sa mga Aklat ay naaangkop ang apat na bagay:
- Ang paniniwala na ang pagkakapahayag ng mga ito ay totoong nagmula sa Allah (SWT).
- Ang paniniwala sa mga napag-alaman natin na mga pangalan nito tulad ng Banal na Qur’an.
- Ang paniniwala at pagpapatunay sa mga nakasaad dito tulad ng mga nasasaad sa Banal na Qur’an.
- Ang paniniwala at gampanan ang mga alituntunin nito na hindi pawalan ng saysay, dapat na kagiliwan at magpapasailalim dito, maging ito man ay ating alam ang kinahihinatnan o hindi, at ang lahat ng mga naunang Kasulatan ay pinawalan ng saysay (o mansookh sa wikang arabik) ng banal na Qur’an. Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an:
وَأَنْزَلْنَا إِلَيْكَ الْكِتَابَ بِالْحَقِّ مُصَدِّقًا لِمَا بَيْنَ يَدَيْهِ مِنَ الْكِتَابِ وَمُهَيْمِنًا عَلَيْهِ فَاحْكُمْ بَيْنَهُمْ بِمَا أَنْزَلَ اللهُ وَلَا تَتَّبِعْ أَهْوَاءَهُمْ عَمَّا جَاءَكَ مِنَ الْحَقِّ لِكُلٍّ جَعَلْنَا مِنْكُمْ شِرْعَةً وَمِنْهَاجًا
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At Aming ipinahayag sa iyo (O Muhammad) ang Aklat (Qur’an) na magpapatotoo sa Kasulatan na dumatal nang una pa rito at bilang isang pamantayan na nakasasakop dito, kaya’t iyong hatulan sila ng ayon sa ipinahayag ng Allah (ang Qur’an) at huwag mong sundin ang kanilang walang saysay na pagnanais na magliligaw sa iyo sa katotohanan na dumatal sa iyo. Sa bawat isang pamayanan sa inyo, Kami ay nagtalaga ng isang batas at pamamaraan.” (Surah Al-Maaidah 5:48)
Narito ang ilan sa mga napag-alaman natin na mga pangalan ng mga Aklat:
- Ang Suhuf, ibinigay kay Propeta Abraham (AS).
- Ang Tawrah, ibinigay kay Propeta Moises (AS).
- Ang Zaboor, ibinigay kay Propeta David (AS).
- Ang Injeel, ibinigay kay Propeta Hesus (AS).
- At ang Qur’an, ipinahayag kay Propeta Muhammad (SAW).