Itinala ni Bro. Abdullah Tabing
Tanong: Ang Pagsangla ba ng Lupa at Ginto ay kasama ba sa RIBA?
Sagot: Bismillah, Alhamdulillahi Wassalatu Wassalamu Ala Rasulillah, Waala Alihi Wasahbihi Waba’d. Ang Riba o Interes ay malawak na usapin sa Islam gayundin ang loan o sangla. At ang pagsangla ng lupa at ginto o ano pa man o ang pag-utang na ang mga ito ay gawing garantor ay hindi masama sa Islam kundi ipinahihintulot kung hindi nagdudulot ng Riba. Ayon sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng talata: “At kung kayo ay naglalakbay at hindi makatagpo ng tagasulat, kung gayon, hayaan na isang sangla ay kunin..” Qur’an 2:283. At si Propeta Mohammad (Sumakanya ang kapayapaan) ay isinangla ang kanyang kalasag (dir’a) sa isang Hudyo. Subalit sa atin sa Pilipinas at sa Mindanao ay madalas na ginagawa ng karamihan na wala nang pag-iingat kahit na ito ay kasama sa Riba o may Interes. Ang pagsangla sa lupa at ginto ay depende sa pamamaraan at sa usapan sa tao o sa kompanya kung saan ka makikipag-ugnayan, ngunit kadalasan na nangyayari sa atin ay mismo Riba o may Interes, bagkus wala tayong alam na Pawnshop sa atin na walang Interes o ang pamamaraan ay hindi Ribawi.
Ang pagsangla ng lupa sa atin ay kapalit ng halaga na inutang na may kasunduan sa pagitan ng nagpautang (nakasangla) at ng naka-utang (nagsangla) upang pakinabangan ang lupa sa pamamagitan ng pagtatanim o ano pa man sa side ng nagpautang o may-ari ng pera ng walang kapalit, o kaya ay naging kaugalian na sa atin ang ganoong pamamaraan. Kaya, walang pagkakaiba ng mga Jurist sa Islam; ang karamihan sa mga Al-Ahnaf, at ang mga Malikiyah, mga Shafe’iyah at mga Hanabilah na ang pagsangla ng lupa sa ganoong pamamaraan ay mismo Riba na hindi ipinapahintulot sa Batas, gayundin sang-ayon sa mga pananaw (Fatawa) ng mga pantas kabilang sa kanila si Al-Sheikh Abdulaziz Ibn Baz (Kaawaan sila ng Allah) batay sa isang Rule sa Jurisprudence “Ang bawat utang na nagdudulot ng benepisyo (Interes) ay Riba“. Ayon sa kay Ibn Baz: (Ang may-ari ng lupa ang dapat na makinabang sa anumang ani sa lupa, hindi ang nagpa-utang, at kung ang nagpa-utang ang makikinabang sa ani ay nararapat na may kapalit; arkila o halaga bilang pang-upa sa lupa depende sa kasunduan nilang dalawa, na kung walang kapalit ay katulad din ng pagpapa-utang ng isang libo at ibalik ang isang libo at isang daan o isang libo at dalawang daan.. Kung ang nagpa-utang ay makinabang sa lupa dahil sa kanyang paghihintay kung kailan siya mabayaran iyon ay utang na nagdudulot ng interes sa pamamagitan ng kasunduan na hindi ipinahihintulot).
Bagaman, kabilang sa mga Al-Ahnaf ang nagpahintulot upang ang nakasangla o nagpa-utang ay makikinabang sa lupa kung hindi ito kasama sa kasunduan sa umpisa, ibig sabihin ay matapos mangyari ang pagsangla ay magpaalam ang nagpa-utang mula sa may-ari ng lupa (naka-utang) para lamang hindi masayang ang lupa. Subalit ang pinaka tama at sigurado ay ang pananaw ng karamihan na ang lupa ay hindi na maaaring pakinabangan ng nagpa-utang maliban kung may kapalit, o kaya ay ang kasunduan mula sa umpisa ay hindi na sangla kundi arkila sa lupa, halimbawa ay magbigay ka sa kapwa ng isang libo dahil siya ay nangangailangan kapalit ng pagpapakinabang mo sa kanyang lupa na may usapan kayong dalawa kung kailan matapos ang kasunduan nang hindi na niya ibalik pa ang halaga o ang ibinigay mong pera sa kanya. Iyon ang tamang paraan arkila sa halip na sangla.
Tungkol naman sa pagsangla ng ginto katulad ng ginagawa at ng pamamaraan ng mga Pawnshop sa atin, o ang pagsangla ng Passport katulad ng ginagawa ng mga kababayan dito sa Kuwait; magpa-utang ng anumang halaga kapalit ng pagsangla ng ginto o Passport at manatili ang mga ito sa nagpa-utang hanggang sa mabayaran ang halagang inutang kasama ang interes nito kada araw o kada buwan ay mismo Riba na kailanman ay hindi ipinahihintulot sa Batas kundi ang gumagawa nito ay isinumpa; ang umutang o may-ari ng ginto at Passport o ano pa man at ang nagpa-utang o mga may-ari ng Pawnshop at mga nagtatrabaho dito. Bukod sa iyan ay masama sa Pananampalataya ay sanhi ng pagkakawasak din ng samahan at komunidad sapagkat lalong magpapahirap sa nangangailangan sa halip na tulungan. Sinabi ni Propeta (Sumakanya ang kapayapaan): “Isinumpa ng Allah ang taong kumakain nito (Riba), nagpapakain nito, tagasulat nito at mga saksi nito“.
Ang Allah lamang ang higit na nakakaalam!