Ang pagpapasuso ng ina sa kanyang sanggol ay kabilang sa ipinag-utos ng Allah (SWT) sa mga kadahilanang tanging ang Allah (SWT) lamang ang mas unang higit na nakakaalam.
Sabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “Ang mga ina ay dapat magpasuso sa kanilang mga anak sa loob ng dalawang taon na sinumang (magulang) na nagnanais na ganapin ang natatakdang panahon ng pagpapasuso, datapuwa’t ang ama ng bata ang siyang mananagot sa halaga ng pagkain at kasuotan ng ina (na nagpapasuso) sa makatuwirang paraan.” ( 2:233)
Ang gatas ng ina ay sapat na at kumpleto sa sustansiyang pangangailangan ng sanggol, kung ano ang kailangan ng anak ito ang na-po-produce na gatas. Ang lumalabas na gatas na nagsisilbing pagkain ng sanggol sa pamamagitan ng laktasyon. Ang unang gatas na tinatawag na colostrums (medyo kulay dilaw), kakaunti lang pero iyon ang tamang dami para sa bagong sanggol. Nababago ang komposisyon ng gatas sa pagdaan ng panahon para matustusan nito ang nagbabagong pangangailangan ng katawan ng anak.
Narito ang mga benepisyo ng pagpapasuso:
- Ang pagpapasuso ng ina sa kanyang anak ay walang kapantay na kaligayahan na parehong pakiramdam ng mag-ina kaya mas malapit ang mag-ina sa bawat isa dahil sa madalas na pagsasama nilang dalawa dahil ang lumalabas na gatas mula sa ina ay nag susuplay ng “prolactin at oxytocin” kung saan ito’y nag-uudyok ng pagrerelaks na may halong pagmamahal na nabubuo sa pagitan ng mag-ina kaya’t ito ang nag-uugnay ng pagpapatibay ng samahan at pagmamahalan ng mag-ina.
- Pareho ang mag-ina ang nakikinabang sa pagpapasuso. Ayon sa pag-aaral, ang nagpapasusong ina ay malayo ang pagkakataong magkaroon ng mga kilala at makabagong sakit na kanser sa suso at obaryo, type 2 diabetes, rheumatoid arthritis, sakit sa puso kasama na ang pagtaas ng dugo at pagtaas ng cholesterol. Ang ina ay madaling papayat, kapag sumususo ang anak ay nagko-contract ang uterus mas madali itong bumalik sa dating laki.
- Ang anak ay protektado naman sa sakit at impeksyon dahil sa antibodies na ipinapasa ng ina na tumutulong sa katawan ng bata na labanan ang nagsisilabasan ngayon na mga “virus at bakterya” na naidudulot nitong mga karaniwang sakit tulad ng asthma, sakit sa tenga “ ear infection, pagtatae at marami pang iba.”
- Ang gatas ng ina ay madaling matunaw dahil ito ay disenyo sa nag de-develop pa lang na digestive system ng sanggol kaya hindi mag-aalalang hindi matunawan ang bata at nakakasigurong ligtas dahil hindi panis o contaminated ang gatas ng ina.
- Hindi na kailangan magtimpla, magpainit ng tubig, magpakulo ng bote at bumangon sa gabi. It saves time and effort.
- Ayon sa pag-aaral mas mataas ang IQ ng bata na gatas ng ina ang sinususo kaysa sa formula milk.
- Tayo po ay maging praktikal, bukod sa pagtitipid, ang perang pang-gatas ay mas magagamit pa sa ibang pangunahing pangangailangan. Ang gatas ng ina ay hindi mapapantayan ng kahit anumang natural na sustansiya na galing sa gatas ng hayop o artificial milk.
Kung ating susuriin, ating mababatid ang tunay na kahalagahan ng pagpapasuso kung bakit ito ipinag-utos ng Allah (SWT) sa mga magulang dahil ang gatas ng ina ang pinakamahusay na uri ng gatas na nagsisilbing natural na taglay ang lahat ng nutrisyon na kailangan sa pagkahubog ng utak at iba’t ibang sistema ng katawan ng sanggol.
By: Aisha Ismael