Ang bawat papuri ay para sa Allâh (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Nawa’y ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW), ang pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang pagpaparatang ng mga masasamang bagay sa kapwa tulad ng pagpaparatang pangangalunya ay ipinagbabawal sa relihiyong Islaam. Ang kaparusahan ng mga taong nagpaparatang ng pangangalunya sa kanilang kapwa o sa mga babaeng malilinis, kapag silang mga nagpaparatang ay hindi makapagtanghal ng apat na mga saksi ay hahampasin sila ng walumpung hampas at hindi na maaaring maging witness ng anumang kaso ayon sa batas ng Islaam, at mapasakanila ang sumpa dito sa Mundo at sa Kabilang Buhay sapagkat nakalaan sa kanila ang matinding kaparusahan pagdating sa araw ng paghuhukom. Narito ang ilan sa mga talata mula sa Banal na Qur’ân:
وَالَّذِينَ يَرْمُونَ الْمُحْصَنَاتِ ثُمَّ لَمْ يَأْتُوا بِأَرْبَعَةِ شُهَدَاءَ فَاجْلِدُوهُمْ ثَمَانِينَ جَلْدَةً وَلَا تَقْبَلُوا لَهُمْ شَهَادَةً أَبَدًا وَأُولَئِكَ هُمُ الْفَاسِقُونَ. سورة النور
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At sila na nagpaparatang sa mga babaeng malilinis, at hindi makapagtanghal ng apat na saksi, hampasin ninyo sila ng walumpung hampas, at huwag ninyo tanggapin sa kanila ang kanilang pagsaksi kahit kailan, at sila ay mga mapaghimagsik.” (Surah An-Nur 24:4).
إِنَّ الَّذِينَ يَرْمُونَ الْمُحْصَنَاتِ الْغَافِلَاتِ الْمُؤْمِنَاتِ لُعِنُوا فِي الدُّنْيَا وَالْآخِرَةِ وَلَهُمْ عَذَابٌ عَظِيمٌ. سورة النور
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katotohanang ang mga nagpaparatang sa mga babaeng malilinis, walang kasalanan, at nananampalataya, sila (na mga nagpaparatang) ay isinumpa sa Mundo at sa Kabilang Buhay, at mapasakanila ang matinding kaparusahan.” (Surah An-Nur 24:23).
Ang pagpaparatang sa mga babaeng malilinis, mga walang kasalanan na mga mananampalataya ay ikapito sa mga mortal na kasalanan na kung saan ay nabanggit sa Hadeeth ng Propeta.