Isang malaking kontribusyon o tulong ang pagkakalikha ng ibat-ibang social media kung saan pinakamabilis ang kumunikasyong pandaigdig at kabilang na rito ang kilalang kinawiwilihan ng karamihan sa kasalukuyan. Ito’y walang iba kundi ang FACEBOOK.
Ang paggamit ng social media ay dalawa lamang ang patutunguhan na maari nitong maidulot sa atin. Maaring makakabuti o makakasama. Makakabuti kung ito’y ating gagamitin sa makabuluhang pamamaraan katulad lamang po ng isang napakagandang hangarin na makakatulong, halimbawa nito ay ang pagpapalaganap ng kaalaman sa ating relihiyong Islam at pagpapatibay ng ating pananampalataya para sa ating Tagapaglikha. Bukod sa isa sa mga pinakamabilis ang social media sa pagda’wah ito’y napakadaling gamitin upang maibahagi natin ang ating sapat na kaalaman sa ating mga kapatid sa Islam at para sa ating mga kapatid na mananaliksik pa sa landas ng katotohanan dahil mapabata man o matanda sa ating henerasyon ang bihasa na sa paggamit ng makabagong teknolihiya kung kaya’t atin pong pakinabangan kung anumang biyayang kaalaman na ating natutunan ipinagkaloob ng Allah (SWT) sa atin at huwag po tayong magkubli o magdalawang isip na magtanong sa ating mga kilalang eskolar sa Islam na may sapat na kaalaman sa ating relihiyong Islam upang mahasa po ang ating kaalaman at nang sa ganon tayo ay makapagda’wah din sa ating mga kasamahan sa pamamagitan ng pag-post ng mga Islamikong katuruan, kasabihan at pamamaraan.
Nawa’y maging isang ehemplo po sana tayo bilang mabuting tularan ng mga kabataan at susunod na mga henerasyon at maging daan ang ating Facebook ng mahikayat ang iba pa nating mga kaibigan na magtulungan sa pagpapalaganap ng da’wah, magbigayan at magsagutan ng mga kuro-kuro at kaalaman patungkol sa Islam na ikakalakas ng ating pananampalataya.
Atin pong isa isip tagos sa ating puso na pakinabangan ang social media sa pagda’wah at magkaroon tayo ng gantimpala na ating inaasam-asam mula sa Allah (SWT) hanggang sa kabilang buhay, datapuwa’t ang taong masikap sa kaalaman at pagda’wah sa Islam ay lubos na pinagpapala.
By: Aisha Ismael