Bismillah, Alhamdulillah…
Ang kasal sa wikang arabik ay Nikaaḥ. Ito ay isang kasunduan upang mapahintulutan ang bawat isa sa mag-asawa ng kasiyahan sa isa’t isa sa pamamaraang naaalinsunod sa batas ng Islaam.
Lahat ng tao ay nilikha ng Allah (SWT) mula kay Adan (Aadam ang tawag sa kanya sa arabik) at nilikha naman Niya si Eba (Ḥawwa naman ang tawag sa kanya sa arabik) mula sa tadyang ni Adan sa bandang kaliwa upang madama ni Adan ang katahimikan kay Eba, at dahil sa awa ng Allah (SWT) ay hanggang sa mga angkan ni Adan ay mayroong mga babae upang madama din ng mga angkan ni Adan ang katahimikan sa kanilang mga babae, datapwa’t ito ay kabilang sa mga Tanda ng kadakilaan, kapangyarihan at kaisahan ng Allah (SWT). Sabi ng Allah (SWT) sa banal na Qur’ân:
وَمِنْ آيَاتِهِ أَنْ خَلَقَ لَكُم مِّنْ أَنفُسِكُمْ أَزْوَاجاً لِّتَسْكُنُوا إِلَيْهَا وَجَعَلَ بَيْنَكُم مَّوَدَّةً وَرَحْمَةً إِنَّ فِي ذَلِكَ لَآيَاتٍ لِّقَوْمٍ يَتَفَكَّرُونَ. سورة الروم
Ayon sa kahulugan ng talatang ito sa wikang tagalog: “At kabilang sa Kanyang mga Tanda, na nilikha Niya (Allah) para sa inyo ang inyong mga kabiyak (asawa) mula sa inyong mga sarili, upang inyong madama ang katahimikan sa kanya, at ginawa Niya (Allah) sa pagitan ninyo ang pagmamahal at awa (sa isa’t isa). Katotohanang narito ang mga Tanda para sa mga taong nag-iisip.” (Ar-Rūm 30:21)
At sa isang Ḥadeeth, ayon kay ‘Abdullah na anak ni Mas’oud kanyang sinabi: Sinabi sa amin ng Sugo ng Allah: “O kayong mga binata! Sinuman sa inyo ang may kakayahan sa baa-ah (kakayahan sa sarili upang gampanan ang karapatan sa pag-aasawa o di kaya’y pangangailangan sa kasal) ay dapat ng mag-asawa sapagkat ito ay pumipigil sa (mahahalay na) pagtitig at higit na nakapangangalaga sa mga mahahalay na bagay, at ang sinumang walang kakayahan ay nararapat sa kanya na mag-ayuno sapagkat ito ay isang pamamaraan upang mapigilan ang kanyang makamundong pagnanasa.” Napagkasunduan ang Ḥadeeth na ito nina Al-Bukhaari at Muslim. Tingnan ang Subulos Salaam, Sharḥ Buloog Al-Maraam, Ḥadeeth 1/918, Ikatlong Bahagi, Pahina 111.