Itinala ni Bro. Abdullah Tabing
Tanong: ASSALAMU ALAYKUM WARAHMATULLAHI WABARAKATUHU… Bilang married muslim woman, nais ko pong malaman ang kasagutan sa tanong na ito: totoo po ba na bawal sa batas or Agama Islam ang ibat ibang ginagawang paraan ng husband during sexual intercourse sa kanyang maybahay? Mangyari po lamang na mabigyan nyo ng kasagutan ang katanungang ito. Lubos po akong matutuwa at magpapasalamatsa kadahilanang hindi po ako laging nakakaabang ng monhtly magazine nyo. Mahalaga po sa akin ang inyong kasagutan at pagpapaliwanag upang saganon ay maibahagi ko rin sa iba ang aking nalaman. Salamat po.
Sagot: Alhamdulillah, Wassalatu Wassalamu Ala Rasulillah, Waala Alihi Wasahbihi Waba’d. Una, ang pagtatanong at pagsagot sa mga ganitong mga katanungan tungkol sa pagtatalik o sexual intercourse ay hindi masama, sapagkat walang malisyoso sa pag-aaral sa Pananampalataya. Si Um Salamah (Kalugdan siya ng Allah) nang gusto magtanong sa kay Propeta Mohammad (Sumakanya ang kapayapaan) ay nagsabi: “O Sugo ng Allah, katotohanang ang Allah ay hindi nahihiya sa katotohanan.”
Ang isyung ito ay nararapat na maging malinaw para sa atin at isang mahalaga sa Islam para sa kapakanan ng mag-asawa at mapanatili ang kanilang maganda at maligayang pagsasama, maging sila man ay Hajj o kaya ay hindi. Sa isyung ito ay maaari nating hatiin ang paksa sa dalawa.
Unang paksa, ay ang mga napagkaisahan ng mga pantas sa Islam na bawal (haram), ito ay dalawang klase lamang; una ay ang pakikipagtalik sa asawa sa pamamagitan ng puwit o ang pagpasok ng ari o ulo ng ari (hashafa) ng lalaki sa puwit ng babae, at ang pakikipagtalik sa panahon ng may pagreregla ang babae o buwanang dalaw (haid) at may dugo sanhi ng kanyang pagkapanganak (nifas). Wala ng usapan tungkol sa pagiging bawal nito sapagkat malinaw sa banal na Qur’an at sa mga Hadith ni Propeta (Sumakanya ang kapayapaan). Pumapasok din dito ayon sa mga pantas ang paglalagay o pagpasok ng kamay sa puwit o sa ari ng babae sa panahon ng kanyang haid o nifas, subalit walang masama sa paghahaplos ng mga ito. Sang-ayon sa kahulugan ng talata sa banal na Qur’an: “Sila ay nagtatanong sa inyo tungkol sa pagreregla ng mga babae. Ipagbadya: ito ay isang adha (isang bagay na makakapinsala sa isang lalaki na makipag-ulayaw sa kanyang asawa)” Basahin ang Qur’an 2: 222. At sinabi ni Propeta Mohammad (Sumakanya ang kapayapaan): “Isinumpa ang sinumang makipagtalik sa kanyang asawa sa pamamagitan ng puwit.”
Ikalawang paksa, ay ang mga isyung hindi napagkaisahan ng mga pantas sa Islam kung maaaring gawin panahon ng pagtatalik o kaya ay hindi? Banggitin natin ang kabilang sa mga ito…
PAGHUHUBAD NG MAG-ASAWA
-Hindi bawal subalit higit na mainam na iwasan (makrooh), ayon sa mga pantas na Al-Hanabilah (Kaawaan sila ng Allah), na ang katwiran nila ay ang Hadith na si Propeta Mohammad (Sumakanya ang kapayapaan) ay nagsabi “Kapag makipagtalik ang isa sa inyo sa kanyang asawa ay magtakip..” At si Aisha, ang asawa ni Propeta (Kalugdan siya ng Allah) ay nagsabi: “Hindi ako nakita ng Sugo ng Allah at hindi ko rin siya nakita (sa maselang na parte ng katawan )”Hindi bawal (ja’iz), ayon sa karamihan sa mga pantas; Al-Hanafiyah, Al-Malikiyah at Al-Shafi’eyah (Kaawaan sila ng Allah), na ang katwiran nila ay isang Hadith na nagsabing si Propeta Mohammad (Sumakanya ang kapayapaan) ay nagsabi sa isa sa kanyang mga kasamahan (sahabah): “Alagaan mo ang mga maselang na parte ng katawan mo maliban sa paningin ng asawa mo”.
Kaya, ang isyung ito ay simple lamang; ayon sa mga Al-Hanabilah (Kaawaan sila ng Allah), higit na mainam kung hindi na maghuhubad ang mag-asawa, at ayon sa karamihan naman ng mga pantas, nasa mag-asawa na ang pasya kung ano ang napagkakasunduan nila. Tungkol naman sa mga Hadith na nabanggit ay walang pagkakasalungatan sapagkat ang tinutukoy sa mga iyon ay bawal na may makakita na tao, at gayundin bilang etika na walang makakita kahit ang hayop kung saka-sakali. At tungkol naman sa Hadith ni Aisha (Kalugdan siya ng Allah) ay maaaring nauukol lamang sa kanila ni Propeta (Sumakanya ang kapayapaan) sang-ayon sa paliwanag ng karamihan sa mga pantas.
– Ang istimna o pagpapalabas ng sperm sa pamamagitan ng kamay ng lalaki o pangsariling sikap ay bawal (haram) at ito ay masturbation din kahit sa pagtatalik ng mag-asawa, ayon sa karamihan sa mga pantas, kabilang sa kanila sina Sheikul Islam Ibno Taimiya at si Sheikh Al-Albani (Kaawaan siya ng Allah).
-Ang istimna o pagpapalabas ng sperm sa pamamagitan ng kamay ng lalaki o pangsariling sikap ay walang kasamaan sa pagtatalik ng mag-asawa, ayon sa ibang mga pantas batay sa isang nabanggit na si Imam Ahmad Ibn Hambal (Kaawaan siya ng Allah) ay kanyang ipinahintulot ang masturbation para sa sinumang may takot sa sarili na makagawa ng pangangalunya o magkasakit.
Kaya, bilang paglilinaw at para maiwasan ang masturbation ay ang pagpapalabas nito sa pamamagitan ng kamay ng asawang babae ay walang kasamaan kung kinakailangan, sang-ayon sa napagkaisahan ng mga pantas.
ANG IMAHINASYON O PAG-IISIP NG LALAKI O BABAE SA LARAWAN O ANYO NG IBANG TAO
Bawal (haram) bagkus maituturing na isang pangangalunya, ayon sa karamihan sa mga pantas; Al-Hanafiyah, Al-Malikiyah, Al-Hanabilah at kabilang sa mga Al-Shafi’eyah (Kaawaan sila ng Allah). Ang katwiran nila ay ang isang rule o basihan sa Jurisprudence, ang pag-iiwas sa mga bagay na maaaring hahantong sa hindi inaasahang pangyayari (Saddu Al-Zhara’ee). Kabilang sa kanila ay inihalintulad ito sa isang isyu kung ang isang tao ay iinom ng tubig na nasa baso at ang isa-isip niya ay alak, magiging bawal din sa kanya ang tubig na iyon.
Hindi bawal (Ja’iz), ayon sa pinaka- tamang pananaw ng mga pantas na Al-Shafi’eyah (Kaawaan sila ng Allah), na ang katwiran nila ay isang Hadith ni Propeta Mohammad (Sumakanya ang kapayapaan) “Katotohanang ang Allah ay nilalampasan Niya ang pansariling usapan ng kalooban ng aking mga Umma”. Hindi bawal subalit nararapat na iwasan (makrooh), ayon sa kay Ibno Al-Bazri. Mabuti (mustahabb), ayon sa nabanggit ni Ibn Al-Hajj na pananaw ng ibang mga pantas.
Kaya, sa ating pag-aaral sa mga pananaw ng mga pantas nakikita natin na higit na mainam na ito ay iwasan, sapagkat ang pagkagumon o pagkasanay sa pag-iisip (imagine) sa ibang tao, sa katagalan ay maaaring hahantong sa hindi inaasahang pangyayari o maaaring ito ay mapaghahanap.
ANG PAGBANGGIT SA ALLAH O PAGBIGKAS NG DU’A
Hindi bawal subalit higit na mainam ang pag-iiwas nito (makrooh), nabanggit ni Al-Mulla Ali Qari’ ang pagkakaisa ng mga pantas hinggil dito (Kaawaan sila ng Allah). Hindi bawal at hindi rin makrooh, ayon sa ibang mga pantas, na ang katwiran ay ang Hadith na isinalaysay ni Ibno Abi Shaiba na si Ibno Mas’oud (Kalugdan siya ng Allah) kapag lumabas na ang kanyang sperm ay nagbibigkas ng “O Allah huwag mong bigyan si satanas ng pagkakataon na magkaroon ng bahagi sa anumang ipagkaloob mo sa akin na biyaya( anak).”
Gusto din natin linawin sa mga kababayang ang pagbanggit sa Allah o pagbigkas ng anumang dhikr o du’a bago ang pagtatalik o pagkatapos nito ay walang kasamaan, gayundin ang pagalaala sa mga biyaya sa atin o pagpapasalamat sa Allah dahil pinagkalooban tayo ng kalugod-lugod o mabuting asawa kahit pa sa panahon ng pakikipagtalik. Nabanggit ni Al-Hattab Al-Maliki (Kaawaan siya ng Allah) ang pagkakaisa ng mga pantas na hindi bawal at hindi rin makrooh ang pagbanggit ng dhikr o du’a sa puso, ang ibig sabihin ay hindi na siya bigkasin ng dila. Kaya, ayon sa mga pantas na nagsabing si Ibno Mas’oud (Kalugdan siya ng Allah) ay nagbibigkas ng du’a o panalangin ay maaaring ito sa kanyang kalooban lamang, ibig sabihin ay hindi niya binibigkas sa dila o kaya ay pagkatapos makalabas ang sperm.
Sa kabuuan, ayon sa pag-aaral at pagsasaliksik natin ay walang kasamaan ang anuman bukod sa mga nabanggit na isyu at sa mga mahigpit na ipinagbawal sa pagtatalik. Sang-ayon sa kahulugan ng talata ng Allah: “Ang inyong mga asawa ay isang taniman ng binhi. Kaya’t makipagtalik kayo sa inyong mga asawa (mayamang taniman) sa anumang paraan na inyong naisin..” Qur’an 2: 223. Ayon sa paliwanag ni Ibno Kather (Kaawaan siya ng Allah), sabi ni Ibno Abbas (Kalugdan siya ng Allah). Ang taniman (harth) ay kung saan dumadaan ang sanggol. At ang kahulugan ng “Anumang paraan na inyong naisin” ay nakaharap o nakatalikod basta sa isang lugar lamang, ibig sabihin ay hindi sa puwit. Isa pang talata ng Allah sang-ayon sa kahulugan nito: “Sila ang inyong Libas (katulad ng pangbalabal sa katawan o saplot), at gayundin naman kayo sa kanila..” Qur’an 2: 187. Isang Hadith ni Jabir (Kalugdan siya ng Allah), sinabi niya: “Sa harap niya (babae) at sa kanyang likod, bagkus huwag makipagtalik sa kanya maliban sa ari.”
Subalit, kinakailangang iwasan ang mga gawaing hindi karapat-dapat o wala sa etika sa Islam, at ang mga bagay na hindi kakayanin ng sarili o kaya ay makakapahamak sa kanilang mag-asawa; lalaki’t babae, o anumang makasisira sa kanilang sanggol kung saka-sakaling ang babae nagdadalang-tao. Sapagkat sinabi ng Allah: “At Kanyang pinahihintulutan sila sa Al-Tayyibat (lahat ng mabuti at pinapayagan), at nagbabawal sa kanila sa Al-Khabaith (ang lahat ng kasamaan at hindi pinahihintulutan)..” Qur’an 7: 157. Sang-ayon sa paliwanag (tafsir) ng ibang mga pantas tungkol sa Al-Khabaith, ay lahat ng madumi at maaaring mapagmulan ng sakit, gayundin ang mga bagay na hindi kakayanin ng sarili. Sinabi rin ng Allah: “At huwag hayaan ang inyong sariling mga kamay ang maghantong sa (inyong) kapahamakan..” Qur’an 2: 195. At sinabi rin ni Propeta Mohammad (Sumakanya ang kapayapaan: “Hindi dapat ang pinsala at makakapinsala.”
Ang Allah lamang ang higit na nakakaalam