Bismillah, Alḥamdulillah, Wassalaatu Wasslaamu ‘Alaa Rasoolillah…
Dumating na naman ang bagong taon sa Islamikong Kalendaryo, ito ay ang pagpasok ng buwan na Muḥarram na kung saan unang buwan nito. Sa pananampalatayang Islam ay walang katuruan na ipagdiriwang ang bagong taon na ito hindi katulad ng Gregorian Kalendar na kapag dumating ang unang araw ng January ay ipinagdiriwang ng ating mga kapatid na hindi mga Muslim, subalit tayong mga Muslim ay hindi rin tayo pwede makihalubilo sa pagdiriwang na ito dahil taliwas sa ating pananampalataya at kung hindi natin ipinagdiriwang ang bagong taon ng Islamikong Kalendaryo ay mas lalong hindi natin pwede ipagdiriwang ang bagong taon ng Gregorian Kalendar.
Mga kapatid, mula pa sa kapanahunan ng Propeta hanggang sa mga Sahaabah at sa mga naunang mga Pantas sa Islam ay kalian man ay hindi sila nagdiriwang ng bagong taon kaya hindi tayo dapat magdiriwang bilang mga Muslim para hindi tayo malihis sa ating pananampalatayang Islam. Bilang karagdagang kaalaman, ang mga buwan sa Islam ay labing dalawa na kung saan nakatala sa Lawḥil Maḥfooz noong likhain ng Allǎh (سبحانه وتعالى) ang mga kalangitan at kalupaan. Sabi ng Allah (سبحانه وتعالى) sa banal na Qur’an:
إِنَّ عِدَّةَ الشُّهُورِ عِنْدَ اللَّهِ اثْنَا عَشَرَ شَهْرًا فِي كِتَابِ اللَّهِ يَوْمَ خَلَقَ السَّمَاوَاتِ وَالْأَرْضَ مِنْهَا أَرْبَعَةٌ حُرُمٌ ذَلِكَ الدِّينُ الْقَيِّمُ
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “Katotohanan ang bilang ng mga buwan para sa Allǎh ay labing dalawang buwan sa talaan ng Allǎh (nakatala sa Lawḥil Maḥfooz) sa araw na likhain ang mga kalangitan at kalupaan, mayroon ditong apat na bawal (banal) na buwan, ito ang matuwid na relihiyon.” (9:36)
Narito po ang mga angalan ng labng dalawang buwan sa Islam:
- Muḥarram
- Safar
- Rabi’ Awwal
- Rabi’ Thaani
- Jamaad Awwal
- Jamaad Thaani
- Rajab
- Sha’baan
- Ramadaan
- Shawwaal
- Dhul Qa’dah
- Dhul Hijjah
Tungkol naman po sa apat na buwan kung bakit ito tinawag na bawal at sa arabik ay hurum, ayon sa kasaysayan ay ang mga Arabo noong panahon ng kamangmangan ay dinadakila nila ang apat na mga buwan na ito at ibinabawal nila sa kanilang mga sarili ang digmaan o patayan, kahit pa kung ang isa sa kanila ay makasalubong niya ang taong pumapaty sa kanyang magulang hindi niya aawayin o gagantihan. Ito ay ang mga buwan na: Rajab, Dzul Qa’dah, Dzul Hijjah at Muḥarram.
Ang buwan ng Muḥarram ay tinatawag ni Propeta Muḥammad (صلى الله عليه وسلم) na buwan ng Allah at sa arabik ay (شهر الله), bakit niya ito tinawag na buwan ng Allǎh ay dahil sa kadakilaan at kainaman nito kung saan makikita natin sa mga sumusunod na Hadeeth.
Ayon kay Abu Dzarr kalugdan siyang Allǎh, kanyang sinabi: Tinanong ko ang Sugo ng Allǎh (صلى الله عليه وسلم): Alin po ang magandang gabi at alin po ang higit na mainam sa mga buwan? Sinabi ng Sugo: “Ang magandang gabi ay ang kaqilaliman nito, at ang higit na mainam sa mga buwan ay ang buwan ng Allǎh na tinatawag ninyong Muḥarram.”
Ayon naman kay Abu Hurayrah kalugdan siya ng Allǎh, kanyang sinabi: Sinabi ng Sugo ng Allǎh (صلى الله عليه وسلم): “Ang higit na mainam na pag-aayuno pagkatapos ng Ramadaan ay buwan ng Allǎh na Muḥarram, at ang higit na mainam na pagdarasal pagkatapos ng mga obligadong pagdarasal ay ang pagdarasal sa gabi.”