Bismillah… Ang buhay ay isang mahalagang paksa na dapat nating malaman. Sa pagtalakay natin patungkol dito ay masusumpungan natin ang reyalidad na ang nalalaman ng tao patungkol sa kung ano ang buhay ay limitado lamang. Isang katotohanan na ipinagpaliwanag mismo ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an, at ang sabi ng Allah (SWT): “At sila ay nagtatanong sa iyo tungkol a ruh, iyong ipagbadya: “Ang tungkol sa ruh, ang kaalaman dito ay nasa aking Panginoon, at kayo ay hindi binigyan ng karunungan maliban sa kakarampot.” (17:85).
Ayong sa pagpapaliwanag, ang buhay ay may apat (4) na Mundo at ito ay ang mga sumusunod:
- Buhay sa sinapupunan ng ina
- Buhay sa Mundo
- Buhay sa libingan (barzakh)
- Buhay sa araw ng paghuhukom (ang muling pagkabuhay)
Ang pagsisimula ng buhay ng isang tao ay masasabi na nagsimula noong ito ay nabuo sa sinapupunan ng kanyang ina pagkatapos maiihip ng Anghel ang kanyang ruh (o kaluluwa).
Ang buhay sa Mundo ay napapaloob ng maraming uri ng pagsubok, subalit dapat natin alalahanin na iisa lamang ang dahilan kung bakit tayo nilikha ng Allah (SWT) at iyon ay ang sumamba o sambahin lamang Siya na nag-iisa. Sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “At hindi Ko nilikha ang mga Jinn at mga tao maliban na tanging sambahin lamang Ako.” (51:56).
Dapat din alalahanin ng tao na ang bawat nangyayari sa kanya mabuti man o masama ay nakatalaga ng tagapaglista at ang mga ito ay naaayon sa sinabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an: “At katotohanan na may nagbabantay sa inyo (na mga Anghel). Mararangal (na mga Anghel) na nagtatala ng inyong mga gawa. Batid nila ang lahat ng inyong mga ginagawa.” (82:10-12).
Kaya masasabi na ang buhay sa Mundo ay tunay na isang malaking pagsubok para sa mga tao lalong-lalo na sa mga nananampalataya sa Allah (SWT). Nararapat na ating palagiang alalahanin ang pagpapanatili sa pagsamba sa Allah (SWT) at ang pag-iiwas sa lahat ng mga ipinagbabawal ng Allah (SWT) ng sa gayon ay manatili na nakatahak sa matuwid na landas habang tayo ay nasa Mundo.
Ang buhay sa libingan o barzakh ay kapag ang katawan ng tao ay humantong na sa kanyang huling hantungan, ang ruh o kaluluwa nito ay lumilisan dito at ito ay namamatay. Ano nga ba ang barzakh? Ang barzakh ay isang harang o barrier sa pagitan ng buhay sa Mundo at sa araw ng pagkabuhay. Ito ay malimit na ginagamit din ng Allah (SWT) sa Banal na Qur’an tulad halimbawa ng talata: “Nasa pagitan nila ay may isang halang (hadlang) at sila ay hindi magsasanib (sa isat isa).” (55:20).
Sa loob ng libingan or barzakh ay mararamdaman na ng tao ang kanyang patutunguhan sa kabilang buhay.
Ang buhay sa araw ng paghuhukom ay sa paglapit ng oras ng pagkagunaw ng Mundo, ang trumpeta ay papatunugin ng Anghel na si Israafeel at ang lahat ng nilikha ay magugunaw. Ang Allah (SWT) ay nagsabi: “At ang tambuli (trumpeta) ay hihipan at ang lahat ng nasa kalangitan at kalupaan ay hihimatayin, maliban sa kanya na maibigan ni Allah. At matapos ito ay hihipan sa pangalawang pagkakataon at pagmasdan sila ay magsisitindig at magsisitanaw (sa paghihintay).” (39:68).
Ayon sa nabanggit na talata ay sa makalawang beses ay muling hihipan ang trumpeta upang ang lahat ng nilikha mula pa noong simula hanggang sa huling oras ay bubuhaying muli.
Mula sa panulat ni Bro. Norharis Monteverde