Bismillah, Alhamdulillah
Ang bawat papuri ay para sa Allah (SWT) lamang, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at kapayapaan ay para kay Propeta Muhammad (SAW) na pinakahuling Propeta at Sugo.
Ang araw ng ‘Aashooraa ay ang ikasampung araw ng buwan ng Muharram. Ang Muharram ay ang unang buwan ng Islamikong Kalendaryo o Hijri Calendar. Ang araw ng ‘Aashooraa ay araw ng pagkaligtas ni Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan) kasama ang kanyang mga kasamahan mula sa kasamaan ni Paraon, at araw din ng pagkalonod ni Paraon at ang kanyang mga alagad sa karagatan. Sa araw na ito ay nag-ayuno si Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan) ay bilang pasasalamat sa Allah (SWT), at nag-ayuno din si Propeta Muhammad (SAW) bagkus ipinag-utos niya sa atin na pag-ayunuhan ang araw na ito.
Ayon kay Ibnu ‘Abbaas (kalugdan siya ng Allah): “Katotohanang ang Sugo ng Allah ay nag-ayuno sa araw ng ‘Aashooraa, at ipinag-utos niya ang pag-aayuno sa araw na ito.” Napagkasunduan ang Hadeeth na ito nina Al-Bukhaari at Muslim.
Mas mainam na pag-ayunuhan din ang araw ng Taasoo’aa, ang ikasiyam na araw ng buwan ng Muharram bago pag-ayunuhan ang ‘Aashooraa. Nabanggit ng mga Pantas sa Islām kabilang na dito si Ibnu Al-Qayyim at iba pa na ang pag-aayuno sa araw ng ‘Aashooraa ay mayroong tatlong uri:
- Pag-ayunuhan ang ika- 9 at 10 ng Muharram, ito ang mas mainam.
- Pag-ayunuhan ang ika- 10 at 11 ng Muharram, ito ay hindi katulad ng una.
- Pag-ayunuhan ang ika- 10 lamang ng Muharram, ito ay maaari.
Nang dumating si Propeta Muhammad (SAW) sa Madeenah ay nakita niya ang mga Hudyo na sila ay nag-aayuno sa araw ng ‘Aashooraa, kaya tinanong niya sila kung bakit sila nag-aayuno sa araw na ito? At kanilang sinabi na ito ang araw ng pagkaligtas ni Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan) at ang kanyang mga kasamahan, at ito rin ang araw na nalunod si Paraon at ang kanyang mga alagad sa karagatan.
Samakatuwid, nag-ayuno si Propeta Muhammad (SAW) sa araw na ito ‘Aashooraa sapagkat siya ang mas may karapatan o mas malapit kay Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan) kaysa sa mga Hudyo, dahil ang mga Hudyo ay hindi sila naniwala kay Propeta Moises (sumakanya ang kapayapaan), hindi sila naniwala kay Propeta Hesus (sumakanya ang kapayapaan) at hindi rin sila naniwala sa huling Propeta, kaya nag-ayuno siya at ipinag-utos niya sa mga tao na pag-ayunuhan ang araw na ito, at ipinag-utos din niya na salungatin ang mga Hudyo, tulad ng sila’y nag-ayuno ng ikasampung araw lamang, tayo naman ay mag-ayuno ng ikasiyam at ikasampung araw o kaya’y ikasampu at ikalabing-isang araw, subalit wala namang masama kung sa ikasampung araw lamang tayo mag-ayuno.