Ang Zakāh (katungkulang kawang-gawa) ay isang gawaing makatao at may panlipunang kahalagahan. Ito ay obligado sa mga Muslim at ang sinumang hindi magbigay nito ay makakalasap ng kaparusahan sa kabilang buhay, ang kanyang kaparusahan ay itatali sa kanyang leeg ang kanyang ipinagmamaramot na kayamanang kanilang inimbak na ito ay paiinitin sa impiyernong-apoy, bukod doon ay gagawing plantsa sa kanyang mukha at katawan pagdating sa araw ng paghuhukom. Sabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā) sa banal na Qur’ân:
وَلا يَحْسَبَنَّ الَّذِينَ يَبْخَلُونَ بِمَا آتَاهُمُ اللهُ مِنْ فَضْلِهِ هُوَ خَيْرًا لَهُمْ بَلْ هُوَ شَرٌّ لَهُمْ سَيُطَوَّقُونَ مَا بَخِلُوا بِهِ يَوْمَ الْقِيَامَةِ. سورة آل عمران
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At huwag akalin ng mga nagmamaramot sa anumang ipinagkaloob sa kanila ng Allǎh mula sa Kanyang biyaya na ito ay mabuti para sa kanila (kaya sila ay hindi nagbibigay ng Zakāh). Hindi, ito ay higit na masama para sa kanila; ang anumang kanilang ipinagmamaramot ay itatali (gagawing ahas) sa kanilang leeg sa araw ng muling pagkabuhay.” (Al-Emrān 3:180)
وَالَّذِينَ يَكْنِزُونَ الذَّهَبَ وَالْفِضَّةَ وَلا يُنْفِقُونَهَا فِي سَبِيلِ اللهِ فَبَشِّرْهُمْ بِعَذَابٍ أَلِيمٍ. يَوْمَ يُحْمَى عَلَيْهَا فِي نَارِ جَهَنَّمَ فَتُكْوَى بِهَا جِبَاهُهُمْ وَجُنُوبُهُمْ وَظُهُورُهُمْ هَذَا مَا كَنَزْتُمْ لِأَنْفُسِكُمْ فَذُوقُوا مَا كُنْتُمْ تَكْنِزُونَ. سورة التوبة
Ayon sa kahulugan ng talatang ito: “At silang mga nagtitinggal ng ginto at pilak at hindi nila ginugugol ito tungo sa landas ng Allǎh, ipagbadya sa kanila ang napakahapding kaparusahan. Sa araw na paiinitin sa impiyernong apoy at ito ay itatatak (iplantsa) sa kanilang mga noo, at sa kanilang mga tagiliran, at sa kanilang mga likod (at sasabihin sa kanila): ito ang kayamanan na inyong itinago para sa inyong mga sarili, ngayon ay lasapin ninyo ang inyong inimbak.” (At-Tawbah 9:34-35)
Ang pangangalaga sa mga mahihirap ay nasa pangangasiwa ng pamahalaan at ang salaping ginagamit para sa kanila ay kinukuha ito mula sa Baytuz-Zakāh (kaban ng Zakāh), kaya dapat na bigyang babala ang mga Muslim na tumatalikod sa tungkuling pagbibigay ng Zakāh.