Nang dumating si Magellan sa Limasawa noong Marso 16, 1521, ang Pilipinas ay isa ng bansang Muslim. 144 taon na ang Relihiyong Islam sa bansang Pilipinas bago pa dumating ang mga Kastila o ang Kristiyanismo. Isang bansang sumasamba sa nag-iisang tunay na Diyos.
Katotohanang nakatala sa kasaysayan ng bansang Pilipinas na nang dumating si Legaspi (kapalit ng namatay na si Magellan), ang komunidad ng mga Muslim ay ganap ng naitatag sa Batangas, Pampanga, Mindoro, Panay, Cataduanes, Cebu, Samar, Manila, Palawan, Mindanao at Sulu. Ang unang Muslim na nagtanggol sa kalayaan ng Pilipinas at Relihiyong Islam ay si Lapu Lapu.
Nong Hunyo 3, 1571 ay naglunsad ang mga Kastila ng isang malaking pakikidigma sa mga Muslim sa Maynila. Ang Maynila noon ay pinamumunuan ni Rajah Soliman. Buong tapang niyang ipinagtanggol ang Maynila at Islam hanggang sa huling patak ng kanyang dugo sa Bangkusay sa baybay dagat ng Tundo. Matapos magapi ng mga Kastila si Rajah Soliman at ang kanyang mga kapanalig ay pinagpapatay ng mga Kastila ang maraming Muslim, bata man o matanda. Gayon pa man ang mga Muslim ay matatag at magiting na nagtanggol hanggang sa huling hibla ng kanilang hininga.
Dahil sa mahinang uri ng sandata na taglay ng mga Muslim (bolos at sibat) laban sa baril at kanyon ng mga Kastila, sila ay napilitang umatras at lumikas patungong Probinsiya ng Rizal at ang lugar na iyon ay kilala sa ngayon sa tawag na Morong Rizal, at yaong mga lumikas patungo sa gilid ng mga ilog ay tinawag sa ngayon na Tagalog (taga ilog) gaya ng Cavite, Laguna atbp. Ang mga Muslim sa bayan ng Rizal ay patuloy na nakipaglaban sa mga Kastila at ang lugar na iyon ay kinilala sa ngayon na Binangonan Rizal.
Ang mga Kastila ay nagtatag ng kanilang punong himpilan sa Maynila at ipinagpatuloy ang pagsakop sa Isla ng Bisaya. Ang mga Muslim na hindi namatay sa labanan ay napilitang ipatat’wa ang Relihiyong Islam at ipinayakap ang Relihiyon ng mga Kastila ang Kristiyanismo sa dulo ng Espada. Ngunit ang mga tapat na Muslim ay pinili pa ang libingan kaysa lisanin ang pagsamba sa nag-iisang tunay na Diyos.
Ang mga Kastila ay hindi tumigil sa panakop at hinangad nila na sakupin din pati ang Mindanao ngunit ang mga Muslim dito gaya ng Iranon, Maranao, Maguindanaon, Tausug, Samal at Sangil ay buong tapang at buong giting na nagtanggol at hindi pinayagan ang nais ng mga dayuhan. Nagtanggol sila noon at patuloy pa ring ipagtatanggol ang Islam hanggang sa ngayon.
Namayani ang mga Kastila sa bansang Pilipinas sa loob ng may apat na raang taon (400). Napakahabang panahon ng pagpipilit na lipulin ang lahat ng mga Muslim upang mabura nila sa kasaysayan ng Pilipinas ang Relihiyong Islam, ngunit sila ay nabigo, hanggang sa ang pamumuno ng mga Kastila ay magwakas noong 1898 nang agawin ng bansang Amerika ang Pilipinas.
Lumasap man ng pansamantalang pagkalupig ang bansang Pilipinas, ang Relihiyong Islam na bigay ng Dakilang Lumikha ay mananatiling nakatayo at matatag na kailanman ay hindi matitinag. (Sinipi mula sa Aklat na Magbalik Islam)