Itinala ni Bro. Abdullah Tabing
Tanong: Isa akong balik Islam na nagtratrabaho sa isang cooperative society dito sa Kuwait. Sa pagkaka-alam ko po ng dahil sa hirap ng buhay, minsan po ay dumarating ang oras na tayo ay nakikipagsapalaran at dito pumapasok sa time na sa kagustuhan nating kumita ng instant o pangmadalian ay nakukuha po nating tumaya sa lottery, raffle, ending at kung anu-ano pang gawaing malaki ang tinatamaang salapi o kasangkapan sa bahay at iba pa. Dahilan na ito ay ating kinagisnan sa kulturang Pilipino, bilang isang balik Islam gusto ko pong malaman kung tayo ba ay pweding makilahok sa mga gawaing ito? Isa rin po sa napansin ko dito sa Kuwait na maraming company ang gumagamit ng mga ganitong marketing strategy sa mga kani-kanilang produkto tulad po ng ganito (buy this product and you get a raffle ticket something like that) tama po ba ito. Maraming salamat po sa inyong kasagutan at nawa po ay sa inyong mga sagot ay magamit din ng inyong lingkod para sa kapakanan ng iba pa nating kapatid na Muslim na kulang parin sa kaalaman sa mga bagay na ito.
Sagot: Bismillah Alhamdulillah Wassalatu Wassalamu Ala Rasulillah, Waala Alihi Wasahbihi. Ang isang Muslim o taong matuwid sa kanyang pananampalataya ay nagsusumikap na maghanap buhay o kumita sa tama o lehitimong pamamaraan at hindi dapat gumawa ng mga ipinagbabawal kahit gaano naghihirap sa buhay. Subalit dapat tayong maging maingat sa ating panghuhusga sa anumang pananalaping transaksyon sapagkat ito ay isang kritikal na mga paksa sa Sari’ah (Islamic Law). Sa pagkakaalam natin sa tinutukoy mong lottery, ending o last digit sang-ayon kamo sa nakagisnang kulturang Pilipino ay kabilang sa tinatawag na gambling o pagsusugal na ipinagbabawal. Pumapasok dito ang mga makabagong pamamaraan, ang raffle o coupon tickets na sadyang ibinebenta o binibili para makipag-sapalaran kung sakali ay pumapasok ang pagkakataon sa kagustuhang kumita ng instant o pang madalian at kung anu-ano pang mga gawaing malaki ang tinatamaang salapi o kasangkapan sa bahay.
Ayon sa napagkaisahan ng mga pantas sa Islam, lahat ng pananalaping transaksyon na mayroong pustahan o tayaan ay isang sugal o kaya ay “maysir” at malinaw na ipinagbabawal sa banal na Qur’an 4:90 na kung kaya ay hindi pweding makilahok sa mga gawaing ito ang sinumang Muslim o Balik- Islam, sapagkat ang Balik- Islam ay isa ring Muslim na nararapat na sumunod sa katuruan sa Islam.
Ayon sa mga pantas na Al- Shafi’eyah (Kaawaan sila ng Allah) ang sugal “maysir” ay kapag itaya dito ang salapi mula sa dalawang panig o nagpustahan na ang kasunduan ay kung sino man ang mananalo sa kanila ay siyang makapag-aangkin ng salaping ito.
At ayon kay Ibno Al-Qayyim (Kaawaan Siya ng Allah), ang pakiki-pagsapalaran (al-mukhatarah) ay dalawang klase: una ay pakiki-pagsapalaran sa pangangalakal, at ang ikalawa ay ang pakiki-pagsapalaran sa sugal na nabibilang sa pag-aankin ng salapi sa may kabaluktutang pamamaraan, na ipinagbawal ng Allah at ng kanyang Sugo (Sumakanya ang kapayapaan).
Tungkol naman sa raffle tickets o mga kupon na ipinamimigay ng mga kompanya o mga tindahan para sa kanilang mga customers kapalit ng pagbili sa mga items o produkto ay isang makabagong pamamaraan o marketing strategy bilang promotion o pagtataguyod. Isang isyu din na hindi napagkaisahan ng mga pantas o mga nag-uusisa sa mga batas.
1- Bawal (haram), ayon kay Al-Sheikh Abdulaziz Bin Baz (kaawaan siya ng Allah), ang dating Mufti ng bansang Saudi Arabia at kay Al-sheikh Salih Al-Fawzan isa sa mga malalaking pantas sa Saudi, at sang-ayon din sa fatwa na inihayag ng katipunanng Sudanese Jurisprudence sa Sudan. Isang pag-aaral din na inihanda ni Dr. Abdullah Al-Zubair Abdulrahman, director ng isang sentrong para sa pag-aaral ng Qur’an at Sunnah sa Sudan ay nagdagdag ng mga paliwanag, ayon dito ang mga pangaral o promotion sa pamamagitan ng raffle ay bawal sapagkat nabubuo dito ang tatlong bagay:
Una: Ang paligsahan (munafasah) at nauugnay sa paligsahan ito ang salapi.
Ikalawa: Ang pakiki-pagsapalaran (mukhatarah) sa pamamagitan ng salapi.
Ikatlo: Ang pagbabahagi (musharakah) ng mga nagpapaligsahan ng mga customers. Kaya ang ganitong transaksyon kapag nabubuo itong tatlong sangkap ay siyang tunay na sugal na ipanagbabawal sang-ayon sa napagkaisahan ng mga Jurists (Fuqaha) sa Islam.
2. Ipinahintulot (Ja’iz), ayon kay Al-Sheikh Mohammad Bin Salih Al-Uthaimin (Kaawaan siya ng Allah) isa sa mga malalaking pantas saSaudi. Ayon sa kanya, ipinahintulot sa may dalawang kondisyon:
Una: Kung ang halaga ng produkto ay hindi tinaasan ng may-ari nang dahil sa pagkakaroon ng raffle na ito, sapagkat ang bumili ay mawalan dahil sa itinaas na halaga at maaaring mapanalo ang humihigit na halaga bilang promotion.
Ikalawa: Kung ang bumibili ay hindi bumili sa kompanya na iyon o hindi niya binili ang produkto dahil sa gusto niya o kaya ay kailangan niya kundi para lamang sa promotion o kaya ay para makatanggap ng kupon at para makilahok sa raffle.
Ang Opisyal na Sentro ng Ifta sa Bansang Emirates ay nakapaglabas din ng Fatwa na nauukol dito. Kaya, sa pag-aaral natin sa mga Fatwa o mga pananaw ng mga pantas, nakikita natin na bawal ang sadyang gumawa at bumili ng mga kupon tickets para makipagsapalaran at makilahok sa paligsahan o raffle draw, sapagkat ito ay isang uri ng sugal ayon sa napagkaisahan ng mga pantas. At tungkol naman sa paggawa ng mga kupon o raffle tickets bilang parangal at sa pagbili ng mga items o produktong may promotion, pagkatapos ay napagkalooban ka ng kupon o raffle ticket ay tama din at walang kasamaan na punuin at ihulog sa mga drop boxes na itinakda hinggil dito, kung naaayon sa nabanggit na mga kondisyon.
Ang Allah lamang ang higit na nakakaalam!