Hindi lingid sa ating kaalaman na ang kababaang-loob ay kabaliktaran ng kasamaang-loob, pagmamataas, pagmamayabang o kaya ay kahambugan na kung saan ang mga ito ay walang maidudulot na mabuti bagkus makakasira lamang sa ating reputasyon.
Ang kababaang-loob ay nakapagbibigay sa atin ng magandang reputasyon at disiplina na rin sa ating mga sarili.
Ang kababaang-loob ay isa sa mga magagandang-asal na ipinag-utos ng Allah (SWT) at ng Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (SAW) na dapat nating ugaliin. Ito ay isang mabuti at dakilang katangian sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Islam sa sangkatauhan. Paano ba natin mailalagay o maisaloob sa ating mga sarili ang ugaling kababang-loob? Upang makamit ang kababaang-loob sa ating puso at isipan ay ang pinakamabuting paraan o gawin ay ang pagsunod sa ipinag-uutos ng Allah (SWT) at ng Kanyang Sugo na si Propeta Muhammad (SAW). Humingi lagi tayo ng patnubay at gabay sa Allah (SWT) dahil Siya lamang ang nakakaalam at nakakakita sa nilalaman ng ating puso’t isipan.
Ang pagbati ng Assalamu Alaykum (sumainyo ang kapayapaan) ay isa sa pamamaraan ng kababaang-loob o pagpapakumbaba. Ito ay ang pandaigdigang pagbati ng mga Muslim sa kapwa nila Muslim. Ang pagbati ng Assalamu Alaykum ay para sa lahat, matanda man o bata o kahit na sinong inyong makasalubong na kapatid sa Islam.
Ang kababaang-loob ay nakapagbibigay sa atin ng katahimikan at kapanatagan sa ating puso’t isipan. Napaka sarap sa pakiramdam na ikaw ay walang natatapakang tao o walang kahit na sino ang may galit sa iyo dahil sa iyong kabutihang-loob o kaya ay pagpapakumbaba. Kung kaya ay ugaliin at panatilihin natin ang pagiging mabuti o mababang-loob o kaya ay pagpapakumbaba dahil wala namang mawawala sa atin kung tayo ay magpapakumababa sa ating kapwa kundi ay ang matatamo natin ay ang gantimpala mula Allah (SWT).
Kaya’t huwag nating hayaan na ialis sa atin ng sinuman ang ating kababaang-loob. Mapalad ang mga taong may angking ugali o katangian tulad ng kababaang-loob o ang pagpapakumbaba. Nawa’y gabayaan tayo ng Allah (SWT) na makamit natin sa ating mga sarili ang ganitong katangian.
Mula sa panulat ni Sohidra Lozada.