Ayon kay Abu Dzarr Al-Ghaffāri kalugdan siya ng Allǎh, ayon kay Propeta Muḥammad (Ṣalla-Allǎhu Àlayhi wa Sallam): Sinabi ng Allǎh (Subḥānahu wa Taȁlā):
“O Aking mga alipin! Katotohanang ipinagbawal Ko ang kawalan ng katarungan sa Aking sarili at ginawa Ko ito na bawal sa inyong pamamagitan, kaya’t huwag kayong makitungo ng walang katarungan sa isa’t isa.
O Aking mga alipin! Lahat kayo ay naliligaw maliban lang sa sinumang Aking papatnubayan, kaya’t maghingi kayo sa Akin ng patnubay at papatnubayan Ko kayo.
O Aking mga alipin! Lahat kayo ay nagugutom maliban lang sa sinumang Aking pakakainin, kaya’t maghingi kayo sa Akin ng pagkain at pakakainin Ko kayo.
O Aking mga alipin! Lahat kayo ay walang damit maliban lang sa sinumang Aking padadamitin, kaya’t maghingi kayo sa Akin ng damit at padadamitin Ko kayo.
O Aking mga alipin! Katotohanang kayo ay nagkakamali sa gabi at umaga, ngunit Ako ang nagpapatawad ng lahat ng mga kamalian, kaya’t maghingi kayo sa Akin ng kapatawaran at patatawarin Ko kayo.
O Aking mga alipin! Kailanman ay hindi ninyo Ako mabibigyan ng kapinsalaan, at kailanman ay hindi ninyo Ako mabibigyan ng kapakinabangan.
O Aking mga alipin! Kung ang mga nauna at mga huli sa inyo at lahat ng mga tao at mga Jinn, ay sila’y katulad ng isang lalaki sa inyo na may higit na pagkatakot ang puso, ay hindi rin madadagdagan ang Aking kapangyarihan ng kahit na kaunti.
O Aking mga alipin! Kung ang mga nauna at mga huli sa inyo at lahat ng mga tao at mga Jinn, ay sila’y katulad ng isang lalaki sa inyo na may higit na kasamaan ang puso, ay hindi rin mababawasan ang Aking kapangyarihan ng kahit na kaunti.
O Aking mga alipin! Kung ang mga nauna at mga huli sa inyo at lahat ng mga tao at mga Jinn, ay sabay-sabay silang pumunta sa bukid upang maghingi sa Akin, at ibibigay Ko ang kahilingan ng bawat isa sa kanila, ay walang mababawas sa Akin maliban lang na parang isang karayom na nilublob sa dagat.
O Aking mga alipin! Ang inyong mga gawain na Aking bibilangin para sa inyo, pagkatapos ay ibibigay Ko ang gantimpala nito, ay ang sinumang makatanggap ng mabuti ay magpasalamat sa Allǎh, at ang sinumang makatanggap ng hindi katulad nito ay wala siyang dapat sisihin kundi ang kanyang sarili.” Mula sa ulat ni Muslim